31 August 2011

Nabato

Nakatanghod sa tuktok
biglang nabato
sa patag bumulusok.

083111

Pinitik

Pinitik ng tikatik
bato'y gumulong
sa bahay tumiwarik.

083111

Upod na Langit

Nauupod ang langit
kurot sa buto
init lumalagitnit.

081711

Babaan

Di sanay sa babaan
gustong bumaba
doon sa sangandaan.

081711

Sinalaulâ

Magagandang nilikhâ
walang patumanggâ
pawang sinalaulâ.

081711

Yaman ng Ilan

Usok ng kaunlaran
yaman ng ilan
pasan ng karamihan.

081711

Abo ang Langit

Nagpuputik ang hangin
abo ang langit
madilim sa paningin.

081711

Ilegal na Troso

Bulok bago umusbong
itim ang dugô
sa ilog ay nalulong.

81611

Estero

Ang tubig nya'y mabahô
puno ng dumi
unti-unting naglahô.

81611

Polusyon sa Hangin

Hanging mapaminsalâ
bukod sa dahon
sinasala ng bagâ.

81611

23 August 2011

Hindi Binibili

"Daddy, sa susunod po sana makapal na 'jigsaw puzzle' na ang gawin mo. Yung sa mga kaklase ko po kasi makapal ang puzzle nila, sa akin lang ang manipis. Bumili daw po kasi sila sa Ever."

"Ganun ba, pasensya na anak, pagtiyagaan mo na yang inukit ko total mas makapal naman siya dalawang pirasong papel. Ang pagkaka alam ko kasi sa takdang aralin, ginagawa at hindi binibili."

08.23.11

22 August 2011

Maingay Kasi

"Mommy, ang lakas ng ulan kaninang madaling araw no?" "Oo, may bagyo kasi..."Sumabat na naman ang batang si Keno..."oo nga po eh, kaya nga nagtakip ako ng tenga...maingay kasi."

hehehe!

08.22.11

Brand X

Isang gabi habang kumakain at nanonood ng TV, pinalabas ang isang patalastas ng gamot tungkol sa lagnat ng bata. Doon, pina inom ng brand x ang bata. Obviously, sa halip na gumaling, lumala pa ang sakit nito dahil hindi yung dapat na brand ang pinainom.

Walang kaabog-abog, sumabat ang grade 1 kong anak na si Keno..."brand x na naman, di ba sabon yun mommy? Kaya pala hindi gumagaling yung bata!"

08.22.11

Magkadugo

Naherak ako kan ma dengue su matu-a ko ta aro-aldaw kaya pig kuku-ahan ki dugo. Sarong aldaw pagka hiling sa doktor, huminibi tolos dangan naki maherak sa mommy nya...

"...huhuhu, mommy, ayoko na po...kasi masakit!"
"Hindi pwede anak, kung pwede nga lang ako na lang ang kunan ng dugo para hindi ka na masaktan kaso ikaw ang maysakit eh!"

"Ikaw na lang po mommy please magpakuha!"

"Wag kang makulit anak, hindi nga pwede!"

"Pwede po yun mommy, di ba po magka dugo naman tayo, magkaka dugo tayo nina daddy saka ni Mico kaya pwede yun!"

Kaya su agum ko napa ulok na sana, imbes na mauyam.

08.18.11

16 August 2011

Aso

Mas gusto ko pa
maging aso
pagkai'y tira-tirang momo,
wag lang sa kurap makisalo.

08.15.11

Gusto kong Maging Lapis

Mahal,
gusto kong maging lapis...
dahil una,
gusto ko sa'yong yakap kumandili,
ikalawa,
dahil ayokong iitsa mo na lang ako
kapag nagkamali.

08.14.11

Bago

Bago pa magwakas ang simula
bago pa matulog ang silangan
bago pa umulan ng bituin
bago pa maglaho ang kawalan
bago maging parusa an habag.

Bago pa iwan ng alaala
bago pa managinip ang dilim
bago pa ang araw ay lamigin
bago pa gumising ang kanluran
bago pa magsimula ang wakas,

mabuhay sa durungawan ng langit.

08.10.11

Kapag Naging Buto

Kapag laman ay naging buto,
tiyak tatangayin ng aso.

August 10, 2011

Sa Malayo'y Iisa

Sa malayo'y iisa
nang lapitan ko'y
yapos ang isa't-isa.

08.09.11

May Katugunan

Sa sulok kung saan
mayr'ong agam-agam
ay katotohanan
na may katugunan.

August 9, 2011

Basta Ikaw

Basta Ikaw

Maaliwalas
para sakin ang unos
basta ba ikaw ang bukas,

maalinsangan
ang pagbuhos ng ulan
basta kamay mo ang tangan,

malamig sukat
ang init sa tanghali
basta ikaw ang kayakap,

hindi maiksi
para sakin ang buhay
basta kapiling ka lagi.

August 9, 2011 at 6:33pm

Nagtatanim ng Buto

Masungit man an bagyo
sa kagubatan
nagtatanim ng buto

August 9, 2011

Talon

Sa bundok umaagos
lumalagaslas
sa bangin dumausdos

August 9, 2011

Pinagsaluhan

Malamig na umaga
pinagsaluhan
ng dal'wang kaluluwa.

August 9, 2011

Kamamadali

Tiyakin bawat hakbang
kamamadali
lalong natatagalan.

08.04.11

Dagdag Oras

Oras ay di maiksi
lalong-lalo na
kapag nagmamadali.

08.04.11

Noon, Panaginip

Noon,
ayokong makatulog
na hindi ikaw ang panaginip,
ayoko ring magising
dahil naron ka sa panaginip.
Ngayon,
di na mananaginip
sapagkat ikaw ang langit,
hindi na maninimdim
dahil habambuhay kang kapiling.
08.03.11_fcs

Biglang Pagbaha

Dalisdis nangalula
bundok na lagas
nag unahang bumaba.

073111

Hahalikan ang Ilog

Kapag langit kumulog
bundok tatangis
hahalikan ang ilog.

073111

Babala ng Lawin

Kapag pumaimbulog
lipad paikot
t'yak bababa ang kulog

073111

Luha Babaha

Ulan bagyong magkayakap
luha’y babaha
kung sa lupa tatapak.

073111

Tiyak Uulan

Masdan ang langgam
kung nagtipon naglipat
tiyak uulan.

073111

Rebyu Kuno

Hawak
'sang pirasong
papel at sandaling
sinipat ang rebyuwer na
wala
sa sarili't
sa dyip nakaduyan,
nakatulog... sa dibdib ng
nobyo.

072911

Si Yayang at Kabayan

Si Yayang ay namatay sa kagubatan
habang si kabayan ay sa karagatan.
Datapuwat sa anong kadahilanan
na itong lahat ng tao ay nagdiwang
nang dumating, kamatayan ni kabayan?

072811

Bus Drayber

Ikaw ang tsuper ng bus
dalawampu't siyam sayo'y
unang umangkas,
ikalawa'y bumaba ang labingwalo
at pawang kasamahan nito
habang pasakay
ang panibagong sampu.

Pagkatapos, bumaba ang tatlo
na kasama nung sampu,
ngunit may sumakay na bago
na nag uunahang labingtatlo.

Sa huli, bumaba ang nalalabing apat
sa natitirang sampung pasahero,
at anim na kasama nung labingtatlo
ay pawang nangagsi sibat.

Kasabay nito, sumakay ang bago
at labimpitong pasahero.
Ano ang kulay ng mata
nung abala sa pagmamaneho?

072811

Sana


Saan
san patungo
ang tuwid na landas
na tumutulay sa lubid?
Sana
tumigil na
ang mga palakpak,
tara na sa pagbabagong
nasa.

072511

Kambal

Dalawa ngang batang babae
sinilang sa iisang ale,

sa parehong araw,
sa parehong oras,
sa parehong buwan,
sa parehong taon,

sabay man silang iniluwal,
ngunit panong di sila kambal?

072511

May Isa Pa

Dala ang limang makopa
para sa anak mong lima
pero ito ang problema,
pano bibigyan ang lima
at sa buslo may isa pa?

072411

Pila Uli

Botante ay pipila
para pumili
ng lalapang buwaya.

072411

Pila

Nagkasabay nga tayo,
nauna ka lang,
kaya susunod ako.

072311

Tinik

Mahal
paumanhin,
dahil sa kabila
nang katotohang sayong
ganda
nabighani,
para akong tinik
'di upang saktan ka, aking
rosas.

072311_salaming singkeyn

Maws vs Monitor

Yakap
ako lagi,
pero ang 'yong mata,
parating sa iba naka
titig.

072211_Cinquain

Hindi Susulong

Kapag hindi bumangon
sa pagkadapa,
tiyak hindi susulong!

071911

Di Ako Makadaan

Walang namang problema
kung ayaw mong bumangon
pagkatapos madapa...

ang kaso,
'di ako makadaan!

071911

Hithit

Pag tsuper ang nainip
ilong ay takpan
pagkat t'yak maghihithit.

071911

Hangal

Hangal!
Tumakbo pa
baya'y tinapakan,
pagkatapos lustayin ang
kaban.

071911

Kabaong

Kaha ay nakapatong
pagewang-gewang
tumatakbong kabaong.

071811

Maiksi

Pag akyat tinatakpan
suot maiksi
pagbaba tinawanan.

071811

Bakit Nga Ba?

Bakit nga ba mahilig ang Pinoy maglagay ng H sa kanilang palayaw o pangalan tulad ng NHOY, BHONG, BHING o GHING?
Bakit nga ba mahilig ang Pinoy sa palayaw na paulit-ulit tulad ng NHOY-NHOY, BHONG-BHONG, BHING-BHING o GHING-GHING?

Kultura ba talaga natin ito na parang sa LA-SHING...may singit na hagdan sa pangalan na tila paakyat sa kawalan?Wala lang...tinatanong lang ng anak kong grade 1!

July 17, 2011 at 8:08am

Puro Hangin

Hangin,
puro hangin
ang nakikita ko,
di lamang t'wing panahon ng
bagyo.

071611

Ordinaryong Pinoy

"Pagbilhan po ng colgate, ung close-up; saka safeguard, yung tender care..!"

...isama na natin dyan na sa Bicol, yung walker ay brief, tenis ay rubber shoes, mocacin ay leather shoes...
...sa Cebu na ang patis ay parehong tawag sa toyo at patis, kalabasa sa upo at kalabasa...
...pingpong na table tennis......at marami pang iba...

...Ganito ang ordinaryong pinoy na hango sa iba't-ibang kultura...
...hindi problema kung magkaiba ang sinasabi sa tinutukoy...

Kaya anong problema kung ang gustong tukuyin ay MONTERO at ang nasabi ay PAJERO na parehong SUV?

July 16, 2011 at 11:57am

Palabas

Pondo:
palabas na!
dobolwid, Buwayang
Maliit, Tinamaan ng
Lintik!

071511

Panis

Napapanis ang kaso
pag akusado
nginuya sa senado!

071511

Dispalinghado

Bayang ninanakawan
dispalinghado,
walang kapayapaan.

071411

15 August 2011

May Liwanag ang Buhay

Nagdilim ang paningin
nang makita ko
ang kuryenteng bayarin!

071411

Batas na Butas

Tuso't gahaman
batas na butas,
pinagpapasasaan.

071411

Nilapâ

Mga pondong nawalâ
nangagsilutang,
may bakas na nilapâ!

071411

Pondo

Nangawawalang pondo
natagpuan na,
hawak ng pulitiko!

071411

Kaysa Linisin

Mas madalas lunukin
kanyang niluwa
kaysa ito'y linisin.

071311

Buwaya

Mas nanaisin ko pa
palapa sa buwaya
kesa magpa alilla
sa pinunong timawa.

071211

Basted

Gising ang diwa
malayo ang tingin
mukhang kawawa.

071111

Taong Kalyo

Kurutin mo mang pino
ang taong manhid
mananatiling kalyo.

071111

Walang Pakinabang

Sinindihan ang yosi
bago sumakay
itinapon sa tabi.

071111

Bahô

Takipan mang madalas
tinagong bahô
t'yak may makatutuklas.

071111

Bugok

Hindi baleng lumunok
ng buong manok
'wag lang umaming bugok.

071111

Mandaraya

Wala mang madaanan
ang mandaraya
'wag lang 'di makalamang.

071111

Mas Mabuti Pa Ang Basura

Mabuti pa ang basura dinadamitan
mabuti pa ang basura napapakinabangan
mabuti pa ang basura may libreng sasakyan
mabuti pa ang basura may sariling lupa
mabuti pa ang basura may pagkakakilanlan
mabuti pa ang basura iniingatang 'wag magkalat,

mas mabuti pa ang basura kesa kunwa'y malinis at mabango.

071111

Namumutiktik

Namumutiktik
mga bahay sa bundok
baon sa putik.

071011

Tao't Guhô

Bundok sa bahay punô,
puno ng putik
puno ng tao't guhô.
.

071011

Atip ng Bus

Sa kalsada umiwas
'nga lang ang tulay,
animo atip ng bus.

071011

Malilimutan

Matutuklasan
nagnakaw nga sa kaban
tapos malilimutan

070911_haiku filipino

Inidoro

Adik sa sigarilyo
kaya paghikab
sumingaw, inidoro.

070811

Lakwatsa

Balik eskwela
sa kwarto ay siksikan,
balik lakwatsa
ginapang ng magulang,
ang anak, nabuntis lang.

070711_Tanka

Mabuhay Lang

Manibela ang hawak
sa hukay nakatapak
panganib tinatahak
mabuhay lang ang anak

070711_Tanaga

14 August 2011

Inip Na Yabag

Tinutunton ang bakas
inip na yabag
hinahabol ng wakas.

07.04.11

Wisyong Naligaw

Kaluluwa’y nilanggas
wisyong naligaw
alaala’ng nalagas.

07.04.11

Tambutso

Bibig parang tambutso
baga naabo
dahil sa sigarilyo.

07.04.11

Sukal

Sukal
pagbulayan;
bakit kailangan
maging basura'y damitan
bago
pa sunduin,
siksikan patungo
sa marumi ngunit kanyang
lupa?

07.02.11

Takipsilim

Umaga pagkagising
yakap ka’t nilalambing,

umaasang malasing
ang maghapo’y mahimbing

na mahilo ang bituin,
iyo ako ika'y akin.

Sijo_6.30.11

Kung Ikaw

Kahit ihampas ng malakas na alon
hindi matitinag, hindi manunumbat.
Lunurin man ako at yan ang 'yong layon,
iyo na'ng buhay ko kung ikaw ang dagat.

Kahit ilipad pa ako hanggang ulap,
paikutin man ako, hanggang mahilo,
ikaw pa rin ang nais kong makayakap
kung ikaw ang malakas na ipo-ipo.

Kahit malagas sanga-sangang hininga,
kahit madurog ang aking mga buto,
anurin man nang daluyong na 'yong dala,
handang patangay kung ikaw ang bagyo.

Kahit na hindi ko makita ang araw,
kahit na magdilim ang kapaligiran,
aabangan kita at magtatampisaw
sa gitna ng kidlat kung ikaw ang ulan.

Kahit ika'y dumaan sandali lamang,
at nang ika'y dumating lubhang masungit,
hindi ako magsasawang ika'y hagkan
sa gitna ng kulog kung ikaw ang langit.

06.26.11_11:13pm(revised 12:01)

Isang Milyang Dagdag


Anak; tayo nang lumakad,
hawak na’t tayo’y uusad,
daan ma’y ‘di lahat patag,
puso mo ay ipanatag -
akong ‘yong ‘sang milyang dagdag.

06.19.11

ANG HELE NG AKING AMA

Nung ako’y maliit pang bata,
Madalas akong ipaghele ng aking ama,
Lalo na kung ako’y naiinitan at nagwawala.

Hindi ko lubos na maunawaan,
Pero gustong-gusto kong pakinggan
Ang kanyang himig sa silong ng buwan.

“Si nanay, si tatay, di ko pabayaan”
Ang kanyang usal sa saliw ng melodyang
Kailanma’y di ko malilimutan.

Noo’y kulang ang aking unawa
Sa ibig sabihin ng mga kataga,
Alam ko lang, antok na ako dahil bata.

Ahh, “na na na, anak tulog na…”
Sana sa aking pagtanda
Maranasan ko pa rin ang hele ng aking ama.

PAPA, miss na kita...HAPPY FATHER'S DAY !

Fcs 650710pm

Tunay na Malaya?

Ang tunay na malaya ay sina Rizal,
Aguinaldo, Mabini at Bonifacio,
Quezon, Osmena, Roxas, Macapagal,
Ninoy at Cory, Abad Santos, Lim at Escoda...

sapagkat ni hindi sila sumasayad sa kamay ng maralita!

June 16, 2011 at 10:01pm

ARAL KALAKAL

Pasukan na naman,
di magkanda-ugaga ang mga magulang,
nagbabanat ng buto at nangangamuhan,
makapasok lang ang anak sa paaralan.

Pahirap ng pahirap sa mundo;
sabi ng gobyerno, hayskul libre ‘to
sa mga paaralang pampubliko.
pero tuwing pasukan,
bayarin ay umuumento!

Nakakagulat, nakakapag init ng ulo,
nakaasa sa magulang pati sahod ng sikyu,
pampagawa ng kubeta at pambili ng inidoro.
Sino ba ang may pagkukulang?
ang gobyerno, ang guro
O ang bulok na sistema ng mundo?

Tandang tanda ko pa nung hayskul ako,
sa aming magkakaklase
iba iba ang binigay na proyekto
ng aming gurong “matalino”
alam nyo kung anu-ano ‘to?
Plastik, gunting, ruler, papel at kuwaderno!

Noong ako’y nasa kolehiyo pa,
ang isa kong guro nangulekta ng pera,
sa kuwarto daw ng silid ipampipintura.
pero ni anino nito’y di ko nakita,
pati na ang pera.

Ang ilan nama’y atendans lang ang naituro,
ang ilang tamad nama’y nagtuturo
na lamang ng tungkol sa puso
sa oras ng Pilipino.

Sa panahon ngayon,
uso na ang edukasyong tingi.
Ang estudyante halos walang matutunan,
tapos na ang prelim, enrollment pa rin!
Ang matrikula, abot hanggang impiyerno.
Sa loob ng isang iskul yir,
punong-puno hindi ng pagtuturo,
kundi ng halidey, aktibidades
at absent ng guro.

(5-29-2K_draft)

Bubot at Dahak


Bubot
nang mabanat
butong nangangarap.
Subalit aahon pa ba
kung oras ma'y pilak
ngunit buto'y
dahak?

06.02.11_(Mirror Cinquain)

Wala

Wala,
natakasan
lugar ng pighati-
ang bantay; bulag, pipi at
bingi.

05.29.11_Cinquain

Hindi Ngawa

Gawa
ang mas higit
na magpapatunay
kung pag-ibig lantay, hindi
ngawa.

05.27.11_Cinquain

Bukbok

Bigas na binubukbok
pwede mo pang malunok,
pero hindi ang bulok
namumunong balakyot.

05.18.11_Tanaga

Barya

Hawak ang manibela
habang palinga-linga,
kinakapos sa barya
panukli't pang intrega.

05.18.11_Tanaga

13 August 2011

Eto ka Noon, Eto ka Ngayon

Alin? Alin? Alin ang naiba?
ang tanong ng awit na pambata.

Paulit-ulit ang mga bagay
parang latik na nakaka umay.

Ganun pa man; hindi pa rin gamay
tama sa mali, peke sa tunay.

Eto ka noon, eto ka ngayon.

10.18.11

Mundong Naliliglig

Kung bakit itong mundo
sa gulo naliliglig,
sapagkat mas marami
ang nais mapakinggan
kesa gustong makinig.

02.18.11

Buntong-hininga

T'wing palubog ang araw,
buntong-hininga
itong pamatid-uhaw.

05.17.11

Salamat Ha!

'Sang binata ang lumapit sa pinto isang umaga..."hingiin ko na lang basyong bote nyo"...anang binata na parang nawawala sa sarili. "Sige, kunin mo na," sabi ng asawa ko. Palinga-lingang dinampot ng binata ang bote sabay tanong, "wala na bang iba?" Sa loob-loob ko, salamat ha!Pero inintindi ko pa rin yung tao, at inisip na dalawang bagay lang ang dahilan kung bakit ganun siya; maaaring wala pa siya sa wisyo o hindi nya ugali ang magpasalamat.

May 14, 2011 at 10:55am

Laruan sa Panaginip

Isang madaling araw, naalimpungatan ang bunso kong si Mico at kinalabit ang kanyang mommy na umiiyak. "Mommy, Mommy, ginip-ginip ako - nalaglag daw yung laluan ko!". "Hayaan mo na anak, panaginip lang yun - matulog ka uli." Makalipas ang ilang minuto, nagising uli. "Mommy, hindi ko talaga makita yung laluan ko. Pwede po ba ikaw na lang humanap sa panaginip mo?" Para tumigil lang sa pag-iyak, sabi ng Mommy - "Sige na, sige na, matulog na tayo uli, subukan kong hanapin?" Saka kumalma ang bata.

050711(Kuwentong Paslit#2)

Ina Ng Taon

Kahit ang 'yong kamay ay nangungulubot na

Kahit lumipas ang panahon
Nagagalak na makapiling sa buhay.
Ikaw pa rin ang sumusubaybay,

Sa paghawak mo ng korona,
Sa aming puso'y kampanang umaalingawngaw.
Iyo bang naririnig ang masigabong palakpakan,

At kung nabilang na ang mga boto,
Pag-ibig nami'y walang kapara.
Gayunma'y ipaaalam sa madla,
Kahit walang banda, baner at kung anu-ano pa,

Kaya ibinoto ka namin,
Mahal namin kahit minsa'y may hinanakit,
Ikaw ang anghel na mabait.
Sa mga anak na ngayo'y nagkatipon,

Kislap ng may ngiting mga mata
Sa pagtatrabaho simula pa no'ng una,

Krus Ng Aking Ina

Siyam na buwan mo akong tangan-tangan,
iningatan sa bawat ikot at ritmo.

Dumating ang takdang araw, pikit mata
nang una kong masilayan itong mundo.

Umalingawngaw ang aking pagpalahaw,
hudyat ng aking sisimulang kalbaryo.

Mahirap para sa akin ang maglakbay
patungo sa sangandaan ng Golgota;

Datapwat nariyan ka mahal kong ina,
pasan ang krus ko habang di ko pa kaya.


Para sa akin, araw-araw mother's day...

Isang payak na tula para sa aking pinakamamahal na ina//fcs_052002

SAMPUNG UTANG KASABIHAN

SAMPUNG UTANG KASABIHAN
(Utang na Loob Pakibasa!)

1.Ang di lumingon sa pinanggalingan may utang na tinakbuhan.
2.Ang lumakad ng matulin umiiwas sa singilin.
3.ang taong pala-utang malayo ang nararating. (Naghahanap ng ibang biktima.)
4.Habang lumalaki ang utang, lumiliit ang daraanan.
5.Kapag ang listahan humaha na, nagkaka amnesya!
6.Ang taong ayaw magbayad, may ibang inuutangan!
7.Ang taong mahilig mangutang, walang kahilig-hilig magbayad.
8.Ang palatawad, barya lang pambayad.
9.Puro pangako habang nangungutang, nagtatago naman sa araw ng singilan.
10. Ang nagbabayad ng CASH maganda ang bukas! (Sana ikaw yun!)

050511(Nakita ko sa isang tindahan)

Kahanga-Hangang Krus

Ano'ng makabubuhay
sa mga taong patay?
Ano ang magbibigay,
mabisang kagalingan
sa kalul'wang sugatan?
Ano'ng makapupuno
sa lahat ng kawalan?

Ano'ng makabubuo
sa wasak na tahanan?
Ano'ng makasusuko
sa kinakalyong puso?
Ano'ng makahahayag
sa pag-ibig ng Dios
sa'ting kalunos-lunos?

Sa pag-ibig N'yang lubos;
pinalitan ni Jesus
sa kahanga-hangang krus,
ang mga nakagapos
sa tanikalang unos -
sala ng sanlibutan.

Isa itong himala -
isang kababalaghan;
na ang pusong pulubi,
ay may pag-asa pa nga
na maligtas, luminis
sa tinigis na dugo
sa bundok ng mga bungo!

051811

10 August 2011

Liwanag sa Dulo ng Balon

Kailan kaya makakatakas
sa walang kasing lalim na dilim;
dilim ng pagka suya na hindi
magawa ang dapat ko ngang gawin,
at ang hindi dapat, ginagawa?
Salamat sa Diyos; aking pag-asa,

ang liwanag sa dulo ng balon.

050511

Tigsik sa Nagsipagtapos

Tigsik sa nagsipagtapos,
kahit ang pera maubos
nitong magulang na kapos,
basta ikaw mairaos.

050511(Papugay sa lahat ng magulang)

Alin ang Naiba?

Habang nanoood ng Batibot sa hapon ang 4 na taong gulang kong bunsong si Mico...may napansin siya...

Batibot: Alin? Alin? Alin ang naiba? Isipin kung alin ang naiba? Isiping mabuti Isipin kung alin Isipin kung alin ang naiba?
Mico: "Mommy...may ibubulong ako sa'yo...wala talagang alam yung Batibot!"
Mommy: "Bakit naman anak?"
Mico: "Kasi Mommy, tinatanong uli nila ngayong hapon yung tinanong nila kaninang umaga...eh nasagot ko na yun!"

May 5, 2011 at 10:33am

Binhi ng Pag-ibig

Nauulila sa lingap,
Naaalila ng hirap
Itong mundong sumisinghap
Sa tinging patas at ganap.

Bawat isa’y kanya-kanya,
Anino lamang ang kapwa,
Haling at ‘di maabala
Sa pansariling ligaya.

Lahat kaylangan ng habag,
Paniniwala ma’y labag,
Pagkalinga’y isang tawag,
Kahit sa pusong lagalag.

Matagal itong nilimî,
Ano’ng pamana’ng bahagî
Iiwan saka-sakalî,
Ang buhay ko ay mabawî?

‘Sang dasal na ‘wag manganib
At mauwi lang sa liblib:
Pag-ibig na sakdal tigib
‘wag nawang galit sumanib.

Iba-iba man ang lahî,
Nagkakabaha-bahagî
Lahat ay mapagtatagnî
Nang ‘sang matibay na binhî.

Pagkakaibigang ibig
Dito sa ating daigdig,
Mananatiling may dilig
Sa binhi nitong pag-ibig.

02.24.11

Totoong Kinang

Mahal na Panginoon,
hinahanap Ka lang ba
sa magagandang lugar?
O hinahanap ko lang,
makabulag na ningning
nitong Iyong presensya
sa may ilaw na daan?

Bigyan Nyo ako ng lakas,
bigyan Nyo ako ng tapang
na lumakad sa madilim
na daan ng sakripisyo,
sa daan ng pagtitiis
na patungo sa libingan
nitong sarili kong ako.

Sapagkat tanging doon lang
totoo kong malalaman;
O Dios, ang tunay Nyong kinang.

04.26.11_(MT_10:47)

Buhay kay Kristo

Patay
tayong lahat
dahil sa’ting sala,
datap’wat buhay naman kay
Kristo.

04.20.11_Cinquain(Tagalog)

Napasasakop

Ang ating puso
dapat saklaw ng ulo
na s’yang panuto;
dapat nama’y matino,
na’ng pusok maging puso.

04.18.11_Tanka

Byaheng Walang Inip

Sang araw sa dyip;
pagod na napaidlip,
nananaginip
sa byaheng walang inip
at di pabalik-balik.

04.04.11_Tanka

Sa Kandungan Ko

Malayo ka man
tanaw ka pa rin,
dama ko pa rin
na para bagang
nariyan ka lang
sa durungawan,

pagkat 'yong puso
ay naiwan mo
sa kandungan ko.

04.03.11_12:00AM

Ginto at Sandosenang Rosas


Payak na pangarap
ang makapiling ka,
makasamang ganap
hanggang may hininga.

Tumugon ang langit
sa isang dalangin,
pag-ibig nakamit
ikaw ngayo’y akin.

Sandosenang taon
mula ng ibigin,
simula pa noon
tapat ang pagtingin.

Sandosenang rosas
pilit mang ihambing,
ang pagsuyong wagas
di kayang daigin.

Sandaling ligaya
ang kayang pangako,
nitong malalanta
bulaklak na tuyo.

Ngunit di ang alab
nitong pagtatangi,
dalisay kong hangad
di lamang sa labi.

Saksi ang Maykapal
nang ako’y sumumpa
kung gano kamahal
ginto ang kapara.

03.04.11 (para sa kabiyak na 12 taon nang minamahal at patuloy na mamahalin)

Mateo 5:7

Mapagpakumbabang tumutulong sa kapatid,
At hindi tumatangging makibahagi;
Pawang kalinga ang inihahatid
Alalahaning pansarili
Lahat ito ay isinasantabi,
Anupa't kung kapwa ay may kabigatan
Dulot niya ay kalingang kagaanan.

Alapaap minsan ay masungit
Nagngangalit na langit
Gaya ng bagyong walang kasimpait.

Maitatago man ng panahon
Gagayak at patuloy na babangon
Alay na tulong, hindi maglalaon.

Mabuting Balita ay isinasabuhay,
Asahan mong hindi mapapagal
Handang umabot kahit nangangatal.
Ang mga lakad ay may layunin,
Bungkos ng mga kaluluwa ay anihin
Alalayan sa gilid ng bangin,
Gabayan mula sa kahariang madilim.
Init ng kanyang pag-ibig
Nakalaan sa taong hindi kaibig-ibig.

Sarili ay laging pinahuhuli,
Alaalang lumipas na may pighati
Pawang nakapinid sa isang ngiti.
Akayin ang kapwa sa daan ng kalangitan,
Galak ng puso dito nga natagpuan
Kasama sa panalangin lahat ng kapatiran,
Araw sa umaga ang kaparis
Tumitingin sa mga tumatangis.

Sukli sa ginawa ay maaasahan
Ibabalik ng Diyos na makatarungan,
Laging umasa at huwag manlamig
Aani ng sagana sa binhing dinilig,
Yamang ika'y mapalad dahil umiibig.

Kagalakan ay ipunla sa madla,
Alayan ng papuri ang Dios na dakila
Habang nakakatulong, magpakumbaba
Ariing ito ay sapat na biyaya,
Hari ng kaawaan, sa Kanya nagmula.
Ang panahon ay masama;
Bukas pagdaka'y mawawalang parang bula
Ang buhay ni Kristo nawa'y maging buhay natin,
Gantimpala ay awa sa mahabagin
Ating samantalahin, ipakitang tayo'y asin at ilaw din
Ng mundong nabubulok at kay dilim.

02.04.09_Akrostik (Alay sa isang taong nagtiyaga at tumulong sa akin)

Kung sa Puso Maghahari

Maglalahong may ngiti
pangamba’y mapapawi

mapapal’tan ang hikbi
pati na ang pighati

kung sa puso maghahari
si Hesus at Kristong hari.

03.31.11_Sijo

Lagim at Lambing

Lagim,
sasapitin
nitong sinungaling;
habang ang tapat sa Dios, may
lambing.

03.31.11_Cinquain

Rosas


Rosas
nakapikit
pag gising maganda,
sa kanyang konting panahon;
lanta;
mangungupas
mangaglalaho sa mundo:
tulad nga ng tao;
bandang huli,
bulok.

10.30.11
(Unang subok sa Mirror Cinquain
sa inspirasyon ng Isaiah 40:8)

Pulubi

Bakit sila ay wala,
wala silang magawa

Sa kalagayang dukha
at parating kawawa?

Salat man, mapalad naman
kung kapwa'y 'di nilamangan.

03.30.11_Sijo

Matinong Magsinungaling

Tumatakbong matulin,
Di alam 'san susuling,

Tanungin mo; iiling,
sagot pabiling-biling.

Maamo, malilimutin,
matinong magsinungaling.

03.28.11_Sijo

Mabilis lang ang Dyip


Pasensya't napaidlip,
pasensya't napahilik,

Pasensya't napahilig,
pasensya na't natabig,

Sa banig, di naman sabik;
mabilis lang kasi ang dyip.

03.27.11_Sijo

Habang

Habang hindi pa giniginaw ang araw,
habang hindi pa nililipad ang hangin
habang hindi pa inaanod ang mga bundok

habang hindi pa nauuhaw ang tubig
habang hindi pa dumidilim ang langit
habang hindi pa naaabo ang lupa

patuloy akong susulat ng tula.

03.26.11_Sevenling

Huling Halik


Bundok ang kahalikan
sa kanyang kapaguran.

Sabay nating tanawin
ang araw na nahimbing;

Gumising man sa kanluran
Huling halik, ako'y bigyan.

10.25.11_Sijo

09 August 2011

Moog


Kahit magsimula na ang wakas
o magwakas man ang simula;
Ikaw lang O Diyos, moog ko't lakas.

10.25.11

Walang Malay

Tao’y idinuduyan
nitong kaabalahan,

Hindi namamalayan
wala na ang kawalan,

Tinaboy sa kalawakan
at lahat ay nagsilutang.

03.25.11_Sijo

Mundong Hukluban

Daigdig na inuban
tumanda ngang hukluban

Hindi ba natin alam
tayo ang kanyang pasan?

Habang walang pakundangan
ang tao’y idinuduyan.

03.25.11
Sijo

Kahit Na

Kahit araw ginawin,
Kahit hangin liparin,
Kahit langit dumilim,

Kahit tubig uhawin
Kahit ilog anurin,
Kahit lupa'y gunawin;

Tiwala, Sa'yo pa rin.

03.24.11_12:03am

Ako ang Paso

Ang
Diyos
ang
sikat
ng
araw,
ikaw
ang
magandang
bulaklak
at
ako
ang
pasong
nililok,
hinubog ng Dakilang Magpapalayok,
upang ikaw ay alagaan, mahalin
at yakapin. Kahit araw-araw
ay malunod sa tubig na sa
iyo ay nagbibigay buhay,
matakpan man ng putik,
mananatiling matatag
na iyong sandalan
hanggang sa
walang hanggan.

03.19.11

Maligtas Lang


Ligligin Nyo ng lindol
ang kalyado kong puso,
sa mundong nauulol
ng mga gawang liko.

Durugin Nyo ng alon
ang tampalasang kamay,
sa malalim na balon
na wala ngang karamay.

Tunawin Nyo ng apoy
ang salaulang isip,
sa lihis naglulunoy
at dun nananaginip.

Buksan Ninyo ng kulog
tengang nananahimik,
pang unawang binilog
ng nalalasong putik.

Sunugin Nyo ng kidlat
ang aking mga mata,
sa tuwid ay mamulat
at huwag nang manghusga.

Ilipad Nyo ng bagyo
dingding ng pagkasakim,
lunurin sa delubyo
ang manhid kong damdamin.

Kung ito ang paraan
na Ika’y maalala,
ay maganap ngang daan
maligtas lang, kalul’wa.

03.11.11
(7 Tanaga ng paalala sa iniligtas ng daluyong at ugong na yari sa Hapon(8.9mag))

08 August 2011

Humahagibis

Dyipni nag uunahan
humahagibis
sakay nalilintikan.

March 11, 2011

Dyeywoker

Mas gusto pang mamatay
kesa mapagod
sa pagtawid sa tulay.

03.11.11

Naengkanto

Sabik
nang makita
na muling bumaga
ang tumabang na alab ng
puso;
nitong bayang
sikil ng hilahil,
naengkanto, nasilaw ng
ginto.

03.04.11

Dilang Pudpod

Uubusin ng uod
kahit uugod-ugod
ang dilang pudpod
sa usok sinusuob
sa apoy nilulunod.

03.04.11

Kuliglig

Kuliglig na ngumawa,
silaw sa araw
puyat, natutulala.

03.04.11

Bulkang Tulog

Mula sa bulkang tulog
nananaginip
ang bangis nitong kulog.

03.04.11

Sipiyu

"Walang nga kayong buhay
kung ako'y walâ,
kaya 'wag nang pasaway"!

03.03.11

Switik

"Gawa mo trabaho ko,"
anang switik;
"hetong panigarilyo!"

03.03.11

Monitor

"Sa'kin nga ang 'yong titig
s'ya nama'y hawak";
tatsulok na pag-ibig.

03.03.11

Maws

"Sa iba'ng titig
habang hawak mo ako;"
litong pag-ibig.

03.02.11

Iwan

Iwan,
makamundong
sarili’t ibaon;
sa kinapatirang sangang
daan.

02.28.11

Putik at Halik


Hitik
itong langit
sa tinging marikit,
kaya mas gusto kong maging
putik.

Kahit
di maabot
sapat nang matanaw,
dahil akin naman ang 'yong
halik.

2 Cinquain
02.27.11

Bantay Salakay

Kunwari bantay
pag walang nakakita
bantay salakay

02.27.11

Tuod

Duhol
nakalingkis
sa manhid na tuod,
sinasalin ang lason sa
loob.

02.27.11

Habang Buhay, Patay

Pata
halos patay
ang dukhang katawang
sa trabaho'y nagsisikhay,
habang;
buhay, ngunit
ila'y kinikitlan
ang kaluluwa dahil sa
yaman.

02.27.11

Lupang Linugaw

Bayang inutang
'di pa nababayaran
sa Mandaluyong
doon ikukulong.

Lupang linugaw
duyan ka nang bakulaw
sa manlulupig
di ka padadakip

May dalawang bundok
nakatira, si Tarzan at Barok
may kamote que, banana que
wala namang sago

Bunga ng araw, pigsa
at ng kurikong
ang mamatay sa
sakit sa kulibra

02.26.11

Mahangin

Kunwari ay magaling
puro salita
utak pala'y sa lasing.

02.26.11

Pambayad Utang

Kaban
ginahasa
pinagpasasaan;
at ang pambayad utang ay
bayan.

02.26.11

Lintâ

Hunghang
ang may alam
at walang ginawa;
paano, sya man ay isang
lintâ!

02.26.11

Kung Hindi Tatalima

Ang marunong bumasa
mapapahamak,
kung hindi tatalima.

02.24.11

Magdadala ng Punla

hanggang muling maglimlim
isip manginginain
samut-saring kakanin.

katuwang itong tandang
maghahanap sa parang
matamis na pukyutang

…magdadala ng punla.

O2.21.11

Taong Kariton

Papag
ay lansangan,
tahana'y de-gulong
kusina'y gala, bukas ang
silid.

02.22.11
Cinquain(Filipino)

Talamak

Dila'y bulaklak,
manggogoyong talamak,
lulong sa pilak.

02.22.11

Mainam

Buhay
na mainam
ang may pagmamahal
na tunay sa Dios, kapwa at
bayan.

02.19.11

Sinapian

Patay malisya,
nang sumulyap sa pera,
sinapian na.

02.21.11

Naglilimlim

Ulila man sa pansin
kampo ng magagaling,
pawang nagsisilimlim.

inuukit sa init
ang rimang maririkit
kahit sa loob ng dyip;

mapipisa ang tula.

02.19.11

Takot

Takot sa aso
lahat ng mga tutâ
lalo’ng may salâ

02.19.11

Ani

Inani’y hangin
nang magtanim ng ihip,
inani’y bagyo
nang magtanim ng hangin;
delubyo nga kung bagyo!

02.19.11
Tanka

Atensyon

Kilatis mo ba’y
kelangan pang magbago,
makikiamot
pa rin ba ng atensyon
sa liblib ng ‘yong puso?

02.15.11
Tanka

Palalô

Hanggang igupo
ng wasak na ulirat;
isang palalô.

02.18.11
Haiku

May Silbi Kaya?

Yaman ba'y anong silbi,
kung ang kapalit
pusong namumulubi?

02.18.11
Haiku

Parang Nanalamin

Malinaw nga'ng paningin
kung malabo'ng pananaw,
para lang nanalamin.

02.18.11
Diona

Mas Magaling

Hindi ko kayang pantayan,
talino'y gamitin ko man
nang buong kaalaman,
ang mga tulang hinangaan.

Mga sarili kong kathâ,
pawang sa hangin nagawâ,
kulang sa arte o dulâ,
kaya't saglit nangawalâ.

Wala pa man akong obra,
sa'kin ang mas mahalaga;
ang tulang gawa mabasa
ng mas magaling na iba.

rephrased 02.18.11
raw file 01.22.02

Hindi Pinagpalâ

Hindi nga pinagpalâ
yaong umibig
sa yamang umalilâ.

02.17.11

Anino

Nag iba itong anyo
nang sya'y masukol
sa sariling anino.

02.17.11

Kalam

O, kahit konting tuwâ
ay balewala
sa kalam nang sikmurâ

02.17.11

Manhid

Tagal tumayo
tumigas naging manhid
sa pagka upo.

02.17.11

Mahal

Mahal
ang magmahal,
kaya mas gusto ko
na parating mahirap at
dukha.

02.17.11

Batang Lansangan

Batang nanggigitata
sa alabok alila
mga anak dalita.

02.16.11

Kitang Marangal

Kayod
ng kalabaw,
kita ng ‘sang kambing,
tinityaga ‘wag lang galing
nakaw.

02.15.11

Araw ng mga Pusa

Araw ng mga pusa
maraming gumagala
tinik ang nililikha.

02.14.11
Diona

Iisang Anino

Pabugso-bugsong puso
dalawang bagyo
sa iisang anino

02.14.11

Balewala

Lahat
ma'y na sa'yo
kung wala ang tubig
ng buhay, balewala ang
lahat.

02.14.11

Tigil

Tigil
lahat-lahat
palahaw ng hirap;
walang ilog ng luhâ sa
langit.

02.14.11

Dismayado

Dibdib ay kinukuyom

at dismayado

sa balitang pabaon


02.14.11_Haiku(Filipino)

Hangad

Malaong pagkasadsad
ito bang hangad
nitong mas mapapalad?

02.14.11
Haiku(Filipino)

Pawang Palito

Bus na nangagmamadali
parang bahay ng posporo;
siksikan ang mga tao,
papasok man o pauwi.

Dinig palatak na panay,
pawang palitong inantok;
sisiklab kapag natisod,
sa naghihintay na hukay.

02.13.11

Purga

Purga
nang matagal
sa mga bulateng
bihasang nagtatagal sa
apoy.

02.13.11

Kubo

Tuloy
kayo sa’min,
maliit lang nga lang
pero tahimik naman sa
kubô.

02.13.11

07 August 2011

Kahon

Mariing pagkabaon
doon humantong
sa malamig na kahon.

02.12.11
Haiku(Filipino)

Saksi

Ang kalawakan
hindi lang umiimik,
saksing pusikit
sa liwanag ng araw
kung ga'no ka kamahal.

02.12.11
Unang tangka sa Tanka(5-7-5-7-7 syllabic scheme)

Hiram

Limot
ng marami,
buhay kung malimì,
pawang bilang na sandalì:
hiram.

02.12.11

Magnanakaw

Saan
nakakita
na ang magnanakaw,
ninakawan ang sariling
bahay?

02.12.11
(Salin ng Parahâbon)

Kalye Matahimik

'Sang ale ang sa dyipni'y pumanhik,
"Boss, dyan lang sa kalye matahimik!"
nagbayad at naupong tahimik.

Makalipas ang iilang saglit ,
Pumara ang babaeng masungit,
"Mama, para dyan sa matahimik!"

Lumampas, patuloy pa rin ang dyip,
"Mama, sabi nang sa matahimik!"
pumreno ang paang naiinip.

Bumaba ang aleng nagngingitngit
naiwan akong nawala'ng baltik
sa dyip na ang bayad ko ay sulit.

02.12.11

Gapang

Gapang
tayong lahat
sa ginawang lusak
ng buwaya, buwitre at
uwak.

02.11.11

Kalakaran

Bibig
binusalan,
nitong kalakaran
na ang buhangin ay nilu
lubid.

02.11.11

Dedma

Dedma;
kita mo na?
mga bulag, bingi
at nagmamaang-maangan
lahat.

02.10.11

Lupa

Lupa;
tapakan ma’t
magmukhang kawawa,
lalong titibay sa bawat
sigwa.

02.10.11

Pruweba

Di ba
umamin na?
Ano pang pruwebang
hanap nila? Ano kami,
tanga?

02.10.11

Butas

Lahat makakatakas
pawang Barabas,
kung batas nati'y butas.

02.10.11
Haiku(Pilipino)

Nalimas

Hilakbot na luhaan
'tong ating bayan,
sa nalimas na kaban.

02.10.11
Haiku (Pilipino)

Magpakailanman

Ako’y
sayo, ika’y
akin lamang, buhay
magpakailanman sa aking
puso.

02.07.11

Tapat

Hindi
magmamaliw
kahit na mabaliw
ang tapat kong pagmamahal,
giliw.

02.04.11

Apoy

Walang
dadaig na
unos, pagkat apoy
itong pag-ibig kong tunay
sayo.

02.04.11
Cinquain para sa manliligaw

Kasinungalingan

Bakit
sa gobyerno
katwira'y 'lang pondo.
Kasinungalingan ito!
Wala?

02.04.11

Sawi

Sawi
itong puso,
kung sa damdamin lang
sasandig at mananahan
uli.

Cinquain 02.03.11

Ang Makata Ko Ay S'ya

Ang makata ko ay S'ya,
ako ang Kanyang obra,
'santulang walang rima.

Isang Diona para sa aking Amang makata
112710_8:42pm