10 August 2011

Binhi ng Pag-ibig

Nauulila sa lingap,
Naaalila ng hirap
Itong mundong sumisinghap
Sa tinging patas at ganap.

Bawat isa’y kanya-kanya,
Anino lamang ang kapwa,
Haling at ‘di maabala
Sa pansariling ligaya.

Lahat kaylangan ng habag,
Paniniwala ma’y labag,
Pagkalinga’y isang tawag,
Kahit sa pusong lagalag.

Matagal itong nilimî,
Ano’ng pamana’ng bahagî
Iiwan saka-sakalî,
Ang buhay ko ay mabawî?

‘Sang dasal na ‘wag manganib
At mauwi lang sa liblib:
Pag-ibig na sakdal tigib
‘wag nawang galit sumanib.

Iba-iba man ang lahî,
Nagkakabaha-bahagî
Lahat ay mapagtatagnî
Nang ‘sang matibay na binhî.

Pagkakaibigang ibig
Dito sa ating daigdig,
Mananatiling may dilig
Sa binhi nitong pag-ibig.

02.24.11

No comments: