09 August 2011
Maligtas Lang
Ligligin Nyo ng lindol
ang kalyado kong puso,
sa mundong nauulol
ng mga gawang liko.
Durugin Nyo ng alon
ang tampalasang kamay,
sa malalim na balon
na wala ngang karamay.
Tunawin Nyo ng apoy
ang salaulang isip,
sa lihis naglulunoy
at dun nananaginip.
Buksan Ninyo ng kulog
tengang nananahimik,
pang unawang binilog
ng nalalasong putik.
Sunugin Nyo ng kidlat
ang aking mga mata,
sa tuwid ay mamulat
at huwag nang manghusga.
Ilipad Nyo ng bagyo
dingding ng pagkasakim,
lunurin sa delubyo
ang manhid kong damdamin.
Kung ito ang paraan
na Ika’y maalala,
ay maganap ngang daan
maligtas lang, kalul’wa.
03.11.11
(7 Tanaga ng paalala sa iniligtas ng daluyong at ugong na yari sa Hapon(8.9mag))
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment