27 December 2011

Putikang Mga Anghel



Habang himbing sa papag,
duyang daluyong
ang yakap sa magdamag.

Habang hele ng ugong,
kandunga'y unos
sinisiklot ng alon.

Dahil sa diwang Babel,
naging kawawa
putikang mga anghel.

12.28.11_fcs_Anonas

(Alay sa mga batang tinangay ng bahang nilikha ni Bagyong Sendong 
noong Dec 17, 2011 sa Iligan at CDO)

25 December 2011

Hinihinging Bigay


Isa
lang sa mga
kabalintunaan,
ang hinihinging bigay pag
pasko!

12.26.11_fcs_Anonas

Maligayang Pasko

M-arami ang naghahandà,
A-balá sa pagpapalà,
L-imót sa isip ay walà
I-tóng dahiláng biyayà,
G-ayóng si Jesus ang talà,
A-ng liwanag na nagkusà,
Y-amang ang ating kalul'wà
A-y kailangan ng awà,
N-a sa dilím ay ulilà
G-ulanít nangayupapà.

P-uso kay Hesus ay buksan;
A-t itong kaligayahan
S-a saiyong waláng hanggan,
K-apayapaa'y tatahan,
O-o, magpa kailanman.


12.25.11_fcs_Anonas_Acrostic

Makabuluhang Pasko

Makabuluhang Pasko

Ang kapaskuhan ay walang saysay,
kung sa kinang na taglay ng bahay
at sa handa lang nakasalalay,
sa halip na pagbabagong buhay.

Hindi rin ito makabuluhan,
kung ito ay nakakahon lamang
sa pagtanggap ng mga regalo,
sa halip na pagtanggap kay Cristo.

12.25.11_fcs_home

Dalangin ko'y makabuluhang pasko sa lahat!

19 December 2011

Patay Na



Ayon sa pamahalaan,
gumanda na raw
ang ekonomiya
at ang bilang
ng mga nagugutom
ay bumaba, anila...
.
.
.

...patay na kasi yung iba.

12.19.11_fcs_Molave

18 December 2011

Kung Kailan Kailangan



Kung kailan kailangan
ay wala;
ang presensya,
ang haplos,
ang pagdamay,
ang malasakit,
para sa kababayang
nasa gitna ng sakuna
at mga pasakit.

Ano nga ba ang aasahan
sa isang ama,
na kailanman
hindi naging ama?

12.19.11_fcs_Molave

Magandang Buhay



Magandang buhay...
anák
ang aking pangarap,
tanging alay sa'yó;
higít
sa aking kalingà,
pag-ibig ng Diyos,
higít
sa'king pag-iingat,
kaligtasan kay Hesús,
higít
sa aking pangakò,
pag-asa sa Kanya,
higít
sa magandang bahay,
magandang tahanan
doon
...sa kabilang buhay!
12.05.11_fcs_sss

Debotong Pulubi



Panáy rosaryo
laging nasa simbahan,
lahat ng santo
paá'y hinahalikan,
pero asal gahaman.

120211_tangkà sa tanka

16 December 2011

Magulang


Maghapong nagsusugál

at ang kanyang kabiyak;

laging langò sa alak,
isang dakilang hangál,
habang nangangalakal 
ang sandosenang anák,

sa halíp na mag-aral.

Ang isá, ay talunán
umuwíng nagugutom,
habang pagulong-gulong
dahil sa kalasingan,
ang asawang nagwalà
patí itóng sikmurà,

magulang na magulang.

113011_fcs_tandang sora

27 November 2011

Sakit? Sakim!


Sakít
ang nilikhà
nitóng pandarayà,
kayá 'wag kang pahawa sa
sakím.

112511

Sawsawero


Markahan sa kalendaryo
itong mga sawsawero,
na palaging may komento
sa halos lahat ng isyu
at astang matatalino;
t'yak yun, hindi magsasanto

sa halalan, kandidato.

112411_fcs_sevenling

Ampat


Dalawang taón na ang lumipas,
sariwa pa rin ang mga sugat
at ang mga luha'y 'di maampat,
hangga't wala pang ngipin ang batás.

Limampu't waló ang tinambangan,
mga pangarap doón nagwakás,
waláng awang tinapal sa butas,
ng dayà at kasinungalingan.

Maampat pa kayà ang panaghoy,
ng mga nangagbuwis ng buhay;
kung katarungan, piríng nga'y taglay,
manipis naman nakalulu-oy?

11.23.11_fcs

13 November 2011

Lahát

 Anó,
anóng tulong,
anóng kailangan
ang hindi N'ya maibigáy;
saán
pa lalapit,
kung kay Jesu-Cristo,
ibinigáy sa tao ang
lahat?

11.13.11_fcs_Zapote

12 November 2011

Onse


Numero,
pangalan,
palayaw,
gamit na
simula nang magkatao.

Ahas,
luminlang,
abuso,
bilang nang
mawalá si Hudas.

11.11.11

08 November 2011

Waláng Kapantay


Kung paanong sa araw at gabí,
palaging hinahagkan ng alon,
ang malawak na dalampasigan,
gayundin at 'di maitatanggi
itong pag-ibig ng Panginoon;
waláng pagod, di mapapantayan.

fcs_xi.viii.xi_technohub

(Ang magandang litrato ay mula sa isang kababayan na nagngangalang Manay Letty Catalan(at siyempre may pahintulot))

05 November 2011

Sukdulan


Habang ang bawat sandalî
pawang mga alingawngaw,
saglít na mananatilì
kapagdaka'y pumapanaw.

Ang tao naman...

...samantalang nilalasíng
ng mundóng pansamantala,
dahan-dahang nahahalíng
sa buhay, 'di maabala...

...na walang kamalay-malay
kung kailán magaganáp
ang isá o dal'wáng igláp,
kaylanma'y 'di malalaman
itong dulo ng sukdulan.

xi.v.xi_jw@nso

03 November 2011

Butóng Pakwan

Sa umpisá'y
punô ang putíng lalagyan
ng butóng kulay dilím
na dahan-dahang kinukukót.

Habang lumalalim ang gabí
na kalaró ang baraha,
paunti nang pauntì
ang butóng pipi.

Dalawang oras ang lumipas;
ubós na ang mga butó,
nagkalat ang mga kabiyak na balát.

Mulá sa lamay na patí ulán nakikiramay,
binaybáy ang daán pauwì.
Habang nagmumunimuni,
tinatanong ang sarili;
ilang gabí pa kayâ
ang nakalaán
upang ang mga mahál
ay patuloy na masilayan?

Ang sagót ko'y hindi ko alám!

Ang alám ko lang,
para tayong mga butóng pakwan.

xi.iii.xi_fcs

Kailan?


Kailan ang tamang panahón,
kailan bibigyan ng pansin
na tayo'y pawang mga dahon;
matutuyô sa maghapon,
matapos pitasín ng hangin,
lahat sa lupà mababaón?

Kailan mauunawàan
na ang pagdatíng at pag alís
ay mistulang paták ng ulán,
mabubuó at ititigis,
mangaglalahò sa hantungan?

xi.iv.xi_fcs

02 November 2011

Ang Pagasa Ko

 Ang ilán,
sandigan ang kayamanan
o lakás ang sandatahán.
Ang sandigan ko'y si Cristo.

Ang ilán,
umaasa sa kabayo
at kalakasan ng tao.
Ang lakás ko ay si Cristo.

Ang ilán,
pagasa ang kapalaran
at taglay na kasikatan.
Ang pagasa ko'y si Cristo.

xi.iii.xi_fcs

01 November 2011

Walâ


Walâ,
doón lahát
uuwî sa walâ;
ngunit kung nagtiwalà kay
Cristo,
buhay
Niyang alók
'di binalewalâ,
langit ay 'di uuwî sa
walâ.

xi.ii.xi_mirror cinquain_fcs

31 October 2011

Sinampay


Lupa't ulan nag away,
linublob mga bahay,
basura isinampay.

x.xxxi.xi_Diona

Tahan na Ulan

Nang tumahan ang ulán,
diwang ang basurahan,
lumbay ang kapatagan.
x.xxxi.xi_Diona

18 October 2011

Sundín Ang Loób Mo


Hinugasan sa karumihan ko,
nang itigis itong dugó Mo,
itinuwíd sa pagkakalumpó,
nang mabalì ang mga butó Mo,
pinalayà ang kaluluwa ko,
nang akûin ang kasalanan ko,
naging walang hanggan ang buhay ko
nang Iká'y mamatay sa kalbaryo,
kasa-kasama ang presensya Mo
nang Iká'y tumahan sa puso ko.

Ngayón, sa lahat nang ginawá Mo,
susundin pa rin ba ang loób ko?

x.viii.xi_fcs

13 October 2011

Baryá


Sa umaga,
tigá bilíng pandesal
tigá tapon ng basura
kapalit ang konting baryá.

Sa hapon,
namumulot ng kartón
pamatíd gutom
pandagdag sa baon.

Sa gabi,
abalá sa palengkè
katuwáng sa bilyaran,
daig pa'ng magulang.

Hating gabí,
nang ito'y pauwî,
inagaw ng kalsada
ang ipong barya.

x.xiv.xi_fcs
(Handog ko sa kapitbahay kong si JR - isang paslit na inagaw 
ng mundong malupit sa Commondeath Highway)

12 October 2011

Delubyo


Nang langit ay lumuhâ
baya'y nangayupapâ
naglaho itong lupâ.

x.x.xi_fcs

Basura! Basura!

 
"Basura, basura!"
Sigaw ng basurero isang umaga.
"Mga nabubulok ngayong Martes,
di nabubulok sa Huwebes!"
Hirit pa nya.

Lumabas ang aking kapitbahay
na kapupunas pa lang ng laway.
"Bakit di nyo kinukuha ang basura ko,
nakabalot naman ito?"
Angal ng mamang mareklamo.

"Halu-halo po kasi basura nyo!"
Katwiran ng basurero.

"Dati naman kinukuha ninyo,
kayo na ang maghiwa-hiwalay.
Kung ayaw nyong mabahuan,
mag opisina kayo!"
Tuyâ ng mamang bata.

Dumating ang Huwebes,
bumalik ang mga basurero.
Matiyaga uling naghakot.

"Basura! Basura!"
Iba ang bigkas at tono.
"Basura nang hindi pa nabubulok!"
Singhal nya pagtapat sa bahay
ng tulog pang maangal.

x.xii.xi_fcs

10 October 2011

Nariyan Ka


Sa isang sulok
kung saan ang diwa
ay ligalig sa gitna ng
agam-agam at kabagabagan,
naroon Ka.


Sa isang sulok
kung saan ang puso
ay lagalag sa gitna ng
panlalamig at alalahanin,
naroon Ka.


Sa isang sulok
kung saan ang kalul'wa'y
lupaypay sa gitna ng
dilim at liwanag,
naroon Ka.


Sa bawat sulok
kung saan hungkag
ang buhay sa gitna ng
tagumpay at kabiguan,
o Dios, nariyan Ka.


x.x.xi_fcs

07 October 2011

Sa Anino ng Iyong Bagwis



Payapa ang puso ko
malupit man ang bagyo,
hindi mag aalala
dahil Ika'y kasama.

Buhay man ay mabangis,
pinahid ang pagtangis,
dahil aking sanggalang,
anino ng 'Yong bagwis.

x.vi.xi

25 September 2011

Kulimbat


Madaling mangulimbat
kung ang mga kasabwat
ay puro mga alat.

09.25.11_Diona

Ginisang Gatasan


Boto'y sinalaula
ginigisa ang madla
sa sariling mantika.

09.25.11_Diona

Patutot


Gabi-gabi ay dilat
nang mabilad ang balat
pati kalul'wa'y salat.

09.25.11_Diona

24 September 2011

Kumpletong Araw


Sumasagwan akong paahon sa daluyong habang nililiglig ang magkabilang katig ng malilikot na alon. Pagkatapos mabanat ang mga buto, narating din ang ituktok at tumambad sa akin ang isang paraiso. Payapa ang paligid; ni hindi mo maririnig ang lagaslas ng talon na humahalik sa lawa, matining ang tubig. Payak ang buhay, halos pabulong kung mag-usap ang mga taga nayon, maaliwalas ang kanilang mga ngiti.


Ang napansin ko lang,
tila pangalawang beses ko na itong narating,
madali rin akong nainip.


Ang lugar, perpekto na sana bagaman nakabibighani,
kaya lang parang may kulang...


"Dadi gising na, mahuhuli ka na sa trabaho!"


Kumpleto na naman
ang araw ko.


09.24.11_fCs

20 September 2011

Kung Ika'y Kapiling


Ang dagat;
masarap panoorin
habang kayakap
ang buhangin,
masarap languyin
habang dinuduyan
sa ihip ng hangin,

pero mas masarap kung ito'y tatawirin...

...at ikaw ang kapiling.

09.20.11

18 September 2011

Kundi Ikaw

Hindi kailangan ng pag-ibig ko
ang buwan sa kalawakan
o bituing makinang;
walang harana,
walang rosas,
walang sayaw.

Hindi kailangan ng pag-ibig ko
ang lahat ng mga bagay...

...kundi ikaw.

09.19.11
Happy Anniversary sating dalawa mahal ko...

Ang Aking Katugma

Ano pang kwenta
na makagawa
ng 'sang sonata
kung mawala ka?

Ikaw ang aking tula
sa buhay ko'y tumutugma,
parang ihip ng amihan,
dala-dala ang ginhawa
sa aking puso at kaluluwa
habang idinuduyan
sa lilim ng iyong
mahalimuyak
na pag-big
na nakabigkis
sa pag-ibig ng Diyos.

09.16.11
~~~~~~~~~~~~~~~~~
Maligayang kaarawan sa'yo Franz, mahal kong esposa...sensya na...natrapik ng konti sa langit ang aking pa pansit!

16 September 2011

Pabigat

Syang sa baya'y pabigat,
itapong nararapat
sa kumukulong dagat.

09.16.11_Diona

Barya sa Tenga


Isang linggong kinita
inuwi sa pamilya
barya-barya sa tenga.

09.16.11_Diona

Bayaning Walang Pangalan


Di marunong tumula
wala rin librong likha,
mahal lamang ang kapwa.

09.16.11_Diona

Ganid

Sa nakaw nabubusog
sumasahod nang tulog
syang sugapa sa bilog.

09.16.11_Diona

Kapuspalad

Mata lamang ang busog
palubog nang palubog
sumasahod ng hamog.

09.16.11_Diona

14 September 2011

Kurap

Silang tinitingala
kunwa'y may ginagawa
daig pa'ng salaula.

09.14.11_Diona

Tulisan

Akala ko'y sandigan
iniluklok ng bayan
isa palang gahaman.

09.14.11_Diona

Talamak

Mandaya laging balak
sa kanila'y marapat
isukang parang alak.

09.14.11_Diona

Mandarambong


Nakakurbatang hambog,
sa pandarambong bantog,
tulad sa batang hamog.

09.14.11_Diona

13 September 2011

Kakutsaba

Kakutsaba ng amo
sa bayang ginagantso,
matatalinong bobo.

09.13.11_Diona

12 September 2011

Sinturon


Kay Rizal napatingin
kahit ano pang gawin
manggagawa ay bitin.

09.12.11_Diona

Timawa

Buwayang mag asawa
nilapa ang agila,
saksakan ng timawa.

09.12.11_Diona

Buraot

Kamay puno ng surot,
sa kurbata binalot,
matalinong buraot.

09.12.11_Diona

Sangkariton


Bawat pondong nawala
o lider na nagwala
'sang kariton ang likha.

09.12.11_Diona

11 September 2011

Monopolya

Huwag nang damdamin,
magdilim ang paningin,
sa kuryenteng bayarin.

09.12.11_Diona

Hostes

Gabi-gabi'y dilat
araw-araw puyat
para sa mga anak.

09.11.11_Diona


Inspirasyon

Kapangyariha'y ikaw
ikaw ang bawat galaw
pag-ibig gabi't araw.

09.11.11_Diona

10 September 2011

Switik

Madalas na pumitik
laging pa petik-petik
ganyan ang mga switik

09.10.11_Diona

Buwis Nagkabagwis


Buwig-buwig na pawis
pawi-pawisang buwis
nagkaroon ng bagwis.

09.10.11_Diona

Gatasan

Kalabaw ang kawangis
dugo ang aking pawis
sinipsip lang ng langis.

09.10.11_Diona

Sa Puso

Baya'y di mabibigo
kung bayani sa puso
hindi lamang sa nguso.

09.10.11_Diona

09 September 2011

Una Sa Lahat

Dios dapat ang mauna,
kapwa ay pangalawa
kung nais mo sumaya.

09.10.11_Diona

Kapuspalad

Sinong mas kapuspalad,
taong salat ang palad
o mayaman na hubad?



09.10.11_Diona

Buwaya

Sa tao siya'y nalulong,
alipin ng alulong
na sa kanya'y bumulong.

09.10.11_Diona

Multong Kawani

Kasama kong pumasok
wala sa bawat sulok,
sa trangkahan sumuksok.

09.10.11_Diona

Makiramdam sa Ulan

Pinitik ng tikatik
dumausdos sa putik,
sa nagpatumpik-tumpik.

09.09.11_Diona

Konsentrasyon

Tinatahi'ng buhangin,
tinutulay ang hangin,
kaya wag mong salingin.

09.09.11_Diona

Takaw Tingin

Madalas takaw tingin,
natutukso kang bilhin
kahit 'di kaylanganin.

09.09.11_Diona

Pagkakaunawaan

Bago ibuka'ng bibig,
dal'wang beses makinig
nang ikaw ay marinig.

09.09.11_Diona

Tatag na Inanay

Tatag ng republika,
inanay ng timawa
pinuno ng buwaya.
09.09.11

Guho

Nakatanghod sa tuktok,
tila naghihimutok,
sa patag bumulusok.

09.09.11

31 August 2011

Nabato

Nakatanghod sa tuktok
biglang nabato
sa patag bumulusok.

083111

Pinitik

Pinitik ng tikatik
bato'y gumulong
sa bahay tumiwarik.

083111

Upod na Langit

Nauupod ang langit
kurot sa buto
init lumalagitnit.

081711

Babaan

Di sanay sa babaan
gustong bumaba
doon sa sangandaan.

081711

Sinalaulâ

Magagandang nilikhâ
walang patumanggâ
pawang sinalaulâ.

081711

Yaman ng Ilan

Usok ng kaunlaran
yaman ng ilan
pasan ng karamihan.

081711

Abo ang Langit

Nagpuputik ang hangin
abo ang langit
madilim sa paningin.

081711

Ilegal na Troso

Bulok bago umusbong
itim ang dugô
sa ilog ay nalulong.

81611

Estero

Ang tubig nya'y mabahô
puno ng dumi
unti-unting naglahô.

81611

Polusyon sa Hangin

Hanging mapaminsalâ
bukod sa dahon
sinasala ng bagâ.

81611

23 August 2011

Hindi Binibili

"Daddy, sa susunod po sana makapal na 'jigsaw puzzle' na ang gawin mo. Yung sa mga kaklase ko po kasi makapal ang puzzle nila, sa akin lang ang manipis. Bumili daw po kasi sila sa Ever."

"Ganun ba, pasensya na anak, pagtiyagaan mo na yang inukit ko total mas makapal naman siya dalawang pirasong papel. Ang pagkaka alam ko kasi sa takdang aralin, ginagawa at hindi binibili."

08.23.11

22 August 2011

Maingay Kasi

"Mommy, ang lakas ng ulan kaninang madaling araw no?" "Oo, may bagyo kasi..."Sumabat na naman ang batang si Keno..."oo nga po eh, kaya nga nagtakip ako ng tenga...maingay kasi."

hehehe!

08.22.11

Brand X

Isang gabi habang kumakain at nanonood ng TV, pinalabas ang isang patalastas ng gamot tungkol sa lagnat ng bata. Doon, pina inom ng brand x ang bata. Obviously, sa halip na gumaling, lumala pa ang sakit nito dahil hindi yung dapat na brand ang pinainom.

Walang kaabog-abog, sumabat ang grade 1 kong anak na si Keno..."brand x na naman, di ba sabon yun mommy? Kaya pala hindi gumagaling yung bata!"

08.22.11

Magkadugo

Naherak ako kan ma dengue su matu-a ko ta aro-aldaw kaya pig kuku-ahan ki dugo. Sarong aldaw pagka hiling sa doktor, huminibi tolos dangan naki maherak sa mommy nya...

"...huhuhu, mommy, ayoko na po...kasi masakit!"
"Hindi pwede anak, kung pwede nga lang ako na lang ang kunan ng dugo para hindi ka na masaktan kaso ikaw ang maysakit eh!"

"Ikaw na lang po mommy please magpakuha!"

"Wag kang makulit anak, hindi nga pwede!"

"Pwede po yun mommy, di ba po magka dugo naman tayo, magkaka dugo tayo nina daddy saka ni Mico kaya pwede yun!"

Kaya su agum ko napa ulok na sana, imbes na mauyam.

08.18.11

16 August 2011

Aso

Mas gusto ko pa
maging aso
pagkai'y tira-tirang momo,
wag lang sa kurap makisalo.

08.15.11

Gusto kong Maging Lapis

Mahal,
gusto kong maging lapis...
dahil una,
gusto ko sa'yong yakap kumandili,
ikalawa,
dahil ayokong iitsa mo na lang ako
kapag nagkamali.

08.14.11

Bago

Bago pa magwakas ang simula
bago pa matulog ang silangan
bago pa umulan ng bituin
bago pa maglaho ang kawalan
bago maging parusa an habag.

Bago pa iwan ng alaala
bago pa managinip ang dilim
bago pa ang araw ay lamigin
bago pa gumising ang kanluran
bago pa magsimula ang wakas,

mabuhay sa durungawan ng langit.

08.10.11

Kapag Naging Buto

Kapag laman ay naging buto,
tiyak tatangayin ng aso.

August 10, 2011

Sa Malayo'y Iisa

Sa malayo'y iisa
nang lapitan ko'y
yapos ang isa't-isa.

08.09.11

May Katugunan

Sa sulok kung saan
mayr'ong agam-agam
ay katotohanan
na may katugunan.

August 9, 2011

Basta Ikaw

Basta Ikaw

Maaliwalas
para sakin ang unos
basta ba ikaw ang bukas,

maalinsangan
ang pagbuhos ng ulan
basta kamay mo ang tangan,

malamig sukat
ang init sa tanghali
basta ikaw ang kayakap,

hindi maiksi
para sakin ang buhay
basta kapiling ka lagi.

August 9, 2011 at 6:33pm

Nagtatanim ng Buto

Masungit man an bagyo
sa kagubatan
nagtatanim ng buto

August 9, 2011

Talon

Sa bundok umaagos
lumalagaslas
sa bangin dumausdos

August 9, 2011

Pinagsaluhan

Malamig na umaga
pinagsaluhan
ng dal'wang kaluluwa.

August 9, 2011

Kamamadali

Tiyakin bawat hakbang
kamamadali
lalong natatagalan.

08.04.11

Dagdag Oras

Oras ay di maiksi
lalong-lalo na
kapag nagmamadali.

08.04.11

Noon, Panaginip

Noon,
ayokong makatulog
na hindi ikaw ang panaginip,
ayoko ring magising
dahil naron ka sa panaginip.
Ngayon,
di na mananaginip
sapagkat ikaw ang langit,
hindi na maninimdim
dahil habambuhay kang kapiling.
08.03.11_fcs

Biglang Pagbaha

Dalisdis nangalula
bundok na lagas
nag unahang bumaba.

073111

Hahalikan ang Ilog

Kapag langit kumulog
bundok tatangis
hahalikan ang ilog.

073111

Babala ng Lawin

Kapag pumaimbulog
lipad paikot
t'yak bababa ang kulog

073111

Luha Babaha

Ulan bagyong magkayakap
luha’y babaha
kung sa lupa tatapak.

073111

Tiyak Uulan

Masdan ang langgam
kung nagtipon naglipat
tiyak uulan.

073111

Rebyu Kuno

Hawak
'sang pirasong
papel at sandaling
sinipat ang rebyuwer na
wala
sa sarili't
sa dyip nakaduyan,
nakatulog... sa dibdib ng
nobyo.

072911

Si Yayang at Kabayan

Si Yayang ay namatay sa kagubatan
habang si kabayan ay sa karagatan.
Datapuwat sa anong kadahilanan
na itong lahat ng tao ay nagdiwang
nang dumating, kamatayan ni kabayan?

072811

Bus Drayber

Ikaw ang tsuper ng bus
dalawampu't siyam sayo'y
unang umangkas,
ikalawa'y bumaba ang labingwalo
at pawang kasamahan nito
habang pasakay
ang panibagong sampu.

Pagkatapos, bumaba ang tatlo
na kasama nung sampu,
ngunit may sumakay na bago
na nag uunahang labingtatlo.

Sa huli, bumaba ang nalalabing apat
sa natitirang sampung pasahero,
at anim na kasama nung labingtatlo
ay pawang nangagsi sibat.

Kasabay nito, sumakay ang bago
at labimpitong pasahero.
Ano ang kulay ng mata
nung abala sa pagmamaneho?

072811

Sana


Saan
san patungo
ang tuwid na landas
na tumutulay sa lubid?
Sana
tumigil na
ang mga palakpak,
tara na sa pagbabagong
nasa.

072511

Kambal

Dalawa ngang batang babae
sinilang sa iisang ale,

sa parehong araw,
sa parehong oras,
sa parehong buwan,
sa parehong taon,

sabay man silang iniluwal,
ngunit panong di sila kambal?

072511

May Isa Pa

Dala ang limang makopa
para sa anak mong lima
pero ito ang problema,
pano bibigyan ang lima
at sa buslo may isa pa?

072411

Pila Uli

Botante ay pipila
para pumili
ng lalapang buwaya.

072411

Pila

Nagkasabay nga tayo,
nauna ka lang,
kaya susunod ako.

072311

Tinik

Mahal
paumanhin,
dahil sa kabila
nang katotohang sayong
ganda
nabighani,
para akong tinik
'di upang saktan ka, aking
rosas.

072311_salaming singkeyn

Maws vs Monitor

Yakap
ako lagi,
pero ang 'yong mata,
parating sa iba naka
titig.

072211_Cinquain

Hindi Susulong

Kapag hindi bumangon
sa pagkadapa,
tiyak hindi susulong!

071911

Di Ako Makadaan

Walang namang problema
kung ayaw mong bumangon
pagkatapos madapa...

ang kaso,
'di ako makadaan!

071911

Hithit

Pag tsuper ang nainip
ilong ay takpan
pagkat t'yak maghihithit.

071911

Hangal

Hangal!
Tumakbo pa
baya'y tinapakan,
pagkatapos lustayin ang
kaban.

071911

Kabaong

Kaha ay nakapatong
pagewang-gewang
tumatakbong kabaong.

071811

Maiksi

Pag akyat tinatakpan
suot maiksi
pagbaba tinawanan.

071811

Bakit Nga Ba?

Bakit nga ba mahilig ang Pinoy maglagay ng H sa kanilang palayaw o pangalan tulad ng NHOY, BHONG, BHING o GHING?
Bakit nga ba mahilig ang Pinoy sa palayaw na paulit-ulit tulad ng NHOY-NHOY, BHONG-BHONG, BHING-BHING o GHING-GHING?

Kultura ba talaga natin ito na parang sa LA-SHING...may singit na hagdan sa pangalan na tila paakyat sa kawalan?Wala lang...tinatanong lang ng anak kong grade 1!

July 17, 2011 at 8:08am

Puro Hangin

Hangin,
puro hangin
ang nakikita ko,
di lamang t'wing panahon ng
bagyo.

071611

Ordinaryong Pinoy

"Pagbilhan po ng colgate, ung close-up; saka safeguard, yung tender care..!"

...isama na natin dyan na sa Bicol, yung walker ay brief, tenis ay rubber shoes, mocacin ay leather shoes...
...sa Cebu na ang patis ay parehong tawag sa toyo at patis, kalabasa sa upo at kalabasa...
...pingpong na table tennis......at marami pang iba...

...Ganito ang ordinaryong pinoy na hango sa iba't-ibang kultura...
...hindi problema kung magkaiba ang sinasabi sa tinutukoy...

Kaya anong problema kung ang gustong tukuyin ay MONTERO at ang nasabi ay PAJERO na parehong SUV?

July 16, 2011 at 11:57am

Palabas

Pondo:
palabas na!
dobolwid, Buwayang
Maliit, Tinamaan ng
Lintik!

071511

Panis

Napapanis ang kaso
pag akusado
nginuya sa senado!

071511

Dispalinghado

Bayang ninanakawan
dispalinghado,
walang kapayapaan.

071411

15 August 2011

May Liwanag ang Buhay

Nagdilim ang paningin
nang makita ko
ang kuryenteng bayarin!

071411

Batas na Butas

Tuso't gahaman
batas na butas,
pinagpapasasaan.

071411

Nilapâ

Mga pondong nawalâ
nangagsilutang,
may bakas na nilapâ!

071411

Pondo

Nangawawalang pondo
natagpuan na,
hawak ng pulitiko!

071411

Kaysa Linisin

Mas madalas lunukin
kanyang niluwa
kaysa ito'y linisin.

071311

Buwaya

Mas nanaisin ko pa
palapa sa buwaya
kesa magpa alilla
sa pinunong timawa.

071211

Basted

Gising ang diwa
malayo ang tingin
mukhang kawawa.

071111

Taong Kalyo

Kurutin mo mang pino
ang taong manhid
mananatiling kalyo.

071111

Walang Pakinabang

Sinindihan ang yosi
bago sumakay
itinapon sa tabi.

071111

Bahô

Takipan mang madalas
tinagong bahô
t'yak may makatutuklas.

071111

Bugok

Hindi baleng lumunok
ng buong manok
'wag lang umaming bugok.

071111

Mandaraya

Wala mang madaanan
ang mandaraya
'wag lang 'di makalamang.

071111

Mas Mabuti Pa Ang Basura

Mabuti pa ang basura dinadamitan
mabuti pa ang basura napapakinabangan
mabuti pa ang basura may libreng sasakyan
mabuti pa ang basura may sariling lupa
mabuti pa ang basura may pagkakakilanlan
mabuti pa ang basura iniingatang 'wag magkalat,

mas mabuti pa ang basura kesa kunwa'y malinis at mabango.

071111

Namumutiktik

Namumutiktik
mga bahay sa bundok
baon sa putik.

071011

Tao't Guhô

Bundok sa bahay punô,
puno ng putik
puno ng tao't guhô.
.

071011

Atip ng Bus

Sa kalsada umiwas
'nga lang ang tulay,
animo atip ng bus.

071011

Malilimutan

Matutuklasan
nagnakaw nga sa kaban
tapos malilimutan

070911_haiku filipino

Inidoro

Adik sa sigarilyo
kaya paghikab
sumingaw, inidoro.

070811

Lakwatsa

Balik eskwela
sa kwarto ay siksikan,
balik lakwatsa
ginapang ng magulang,
ang anak, nabuntis lang.

070711_Tanka

Mabuhay Lang

Manibela ang hawak
sa hukay nakatapak
panganib tinatahak
mabuhay lang ang anak

070711_Tanaga

14 August 2011

Inip Na Yabag

Tinutunton ang bakas
inip na yabag
hinahabol ng wakas.

07.04.11

Wisyong Naligaw

Kaluluwa’y nilanggas
wisyong naligaw
alaala’ng nalagas.

07.04.11

Tambutso

Bibig parang tambutso
baga naabo
dahil sa sigarilyo.

07.04.11

Sukal

Sukal
pagbulayan;
bakit kailangan
maging basura'y damitan
bago
pa sunduin,
siksikan patungo
sa marumi ngunit kanyang
lupa?

07.02.11

Takipsilim

Umaga pagkagising
yakap ka’t nilalambing,

umaasang malasing
ang maghapo’y mahimbing

na mahilo ang bituin,
iyo ako ika'y akin.

Sijo_6.30.11

Kung Ikaw

Kahit ihampas ng malakas na alon
hindi matitinag, hindi manunumbat.
Lunurin man ako at yan ang 'yong layon,
iyo na'ng buhay ko kung ikaw ang dagat.

Kahit ilipad pa ako hanggang ulap,
paikutin man ako, hanggang mahilo,
ikaw pa rin ang nais kong makayakap
kung ikaw ang malakas na ipo-ipo.

Kahit malagas sanga-sangang hininga,
kahit madurog ang aking mga buto,
anurin man nang daluyong na 'yong dala,
handang patangay kung ikaw ang bagyo.

Kahit na hindi ko makita ang araw,
kahit na magdilim ang kapaligiran,
aabangan kita at magtatampisaw
sa gitna ng kidlat kung ikaw ang ulan.

Kahit ika'y dumaan sandali lamang,
at nang ika'y dumating lubhang masungit,
hindi ako magsasawang ika'y hagkan
sa gitna ng kulog kung ikaw ang langit.

06.26.11_11:13pm(revised 12:01)

Isang Milyang Dagdag


Anak; tayo nang lumakad,
hawak na’t tayo’y uusad,
daan ma’y ‘di lahat patag,
puso mo ay ipanatag -
akong ‘yong ‘sang milyang dagdag.

06.19.11

ANG HELE NG AKING AMA

Nung ako’y maliit pang bata,
Madalas akong ipaghele ng aking ama,
Lalo na kung ako’y naiinitan at nagwawala.

Hindi ko lubos na maunawaan,
Pero gustong-gusto kong pakinggan
Ang kanyang himig sa silong ng buwan.

“Si nanay, si tatay, di ko pabayaan”
Ang kanyang usal sa saliw ng melodyang
Kailanma’y di ko malilimutan.

Noo’y kulang ang aking unawa
Sa ibig sabihin ng mga kataga,
Alam ko lang, antok na ako dahil bata.

Ahh, “na na na, anak tulog na…”
Sana sa aking pagtanda
Maranasan ko pa rin ang hele ng aking ama.

PAPA, miss na kita...HAPPY FATHER'S DAY !

Fcs 650710pm

Tunay na Malaya?

Ang tunay na malaya ay sina Rizal,
Aguinaldo, Mabini at Bonifacio,
Quezon, Osmena, Roxas, Macapagal,
Ninoy at Cory, Abad Santos, Lim at Escoda...

sapagkat ni hindi sila sumasayad sa kamay ng maralita!

June 16, 2011 at 10:01pm

ARAL KALAKAL

Pasukan na naman,
di magkanda-ugaga ang mga magulang,
nagbabanat ng buto at nangangamuhan,
makapasok lang ang anak sa paaralan.

Pahirap ng pahirap sa mundo;
sabi ng gobyerno, hayskul libre ‘to
sa mga paaralang pampubliko.
pero tuwing pasukan,
bayarin ay umuumento!

Nakakagulat, nakakapag init ng ulo,
nakaasa sa magulang pati sahod ng sikyu,
pampagawa ng kubeta at pambili ng inidoro.
Sino ba ang may pagkukulang?
ang gobyerno, ang guro
O ang bulok na sistema ng mundo?

Tandang tanda ko pa nung hayskul ako,
sa aming magkakaklase
iba iba ang binigay na proyekto
ng aming gurong “matalino”
alam nyo kung anu-ano ‘to?
Plastik, gunting, ruler, papel at kuwaderno!

Noong ako’y nasa kolehiyo pa,
ang isa kong guro nangulekta ng pera,
sa kuwarto daw ng silid ipampipintura.
pero ni anino nito’y di ko nakita,
pati na ang pera.

Ang ilan nama’y atendans lang ang naituro,
ang ilang tamad nama’y nagtuturo
na lamang ng tungkol sa puso
sa oras ng Pilipino.

Sa panahon ngayon,
uso na ang edukasyong tingi.
Ang estudyante halos walang matutunan,
tapos na ang prelim, enrollment pa rin!
Ang matrikula, abot hanggang impiyerno.
Sa loob ng isang iskul yir,
punong-puno hindi ng pagtuturo,
kundi ng halidey, aktibidades
at absent ng guro.

(5-29-2K_draft)