Butóng Pakwan
Sa umpisá'y
punô ang putíng lalagyan
ng butóng kulay dilím
na dahan-dahang kinukukót.
Habang lumalalim ang gabí
na kalaró ang baraha,
paunti nang pauntì
ang butóng pipi.
Dalawang oras ang lumipas;
ubós na ang mga butó,
nagkalat ang mga kabiyak na balát.
Mulá sa lamay na patí ulán nakikiramay,
binaybáy ang daán pauwì.
Habang nagmumunimuni,
tinatanong ang sarili;
ilang gabí pa kayâ
ang nakalaán
upang ang mga mahál
ay patuloy na masilayan?
Ang sagót ko'y hindi ko alám!
Ang alám ko lang,
para tayong mga butóng pakwan.
xi.iii.xi_fcs
No comments:
Post a Comment