Sa Anino ng mga Pangarap
Alam kong mahirap
dahil ang kalye ay lubak
at madulas lalo na kung paakyat.
Datapuwa’t nais kong tumapak
kahit man lang
sa anino ng aking mga pangarap.
Halos mabiyak ang aking talampakan,
nang lakbayin ko ang nagbabagang daan
habang inaakyat ang ikatlong baitang.
Ngunit hindi ito kasing hapdi
ng mga bitak sa aking puso
na gawa ng pangungulila.
Hindi ko makakalimutan
ang tatlong taong pagtahak
sa daan ng karunungan.
Ang baon ko’y hinihila sa tabing dagat
at hinihingi sa niknik ng pitak.
Naubusan ako, kaya kinain pati bunga ng halakhak.
Lumipas ang ika-apat na taon,
napagtagumpayan ko
ang pakikisama sa atungal ng mga leon.
Kaya tumawid ako sa bisig ng dagat,
ngunit lumiit ang araw, nasunog ang aking balat
at dumilim kaya ako napasinghap.
Habang binabaybay ang karimlan,
may nag abot ng sulô
na nagdulot ng liwanag sa aking puso.
Inalalayan niya ako patungong bukana
hanggang sa mabuo itong aking tiwala.
Sa dulo’y aninag ko ang ’sang hawla, kaya ako’y kumawala.
Ngayo’y binabagtas ang daan sa kabila ng kahapon,
‘lam kong malapit ng matapakan ang anino ng aking mga pangarap,
dahil ang Kanyang biyaya ay sapat mula noon hanggang ngayon.
© 2002 ni Franco Coralde Sangreo
(071202)