15 August 2012

Dama(y)


Dama(y)

Maaaring lumipas ang unós,
maaaring ulán ay tumilà,
maaaring bagyó ay maghunos
o di kayá'y humupà ang bahâ...

...pero hindi ang kapabayâan,
'di ang kawalán ng disiplina,
'di ang paglabág sa kalikasan,
o kawaláng pagpapahalagá.

Hindi ang pagbabató ng putik,
hindi rin ang pamumulitiká,
hindi rin ang mga pumipitík
o waláng katuturáng pag gasta.

Hindi ang nabubuhay sa suhol,
hindi ang pamumulá ng gubat,
hindi ang sa yaman nauulól,
hindi ang pagtabáng ng dagat.

Hangga't may mga nagpapasawáy
at mga nagwawaláng bahalà,
damá nga natin patí ang damay
kapág dumadama ang sakunâ.


viii.f.viii.c.mmxii.s.=¤
Ito ang una sa apat na bahang tinawid ko - panulukan ng
Anonas at Tindalo St sa may Proj. 3 noong Agosto 8, 2012

No comments: