24 August 2012

Da-Di!


Da-Di!

Sumisinghap, paputól-putól,
hinahanap ang aking tinig
at pilit na ipinupukól
kanyang unang dalawang pantig.

Kasabay ang hiyáw padamdam
at pangungusap na kay lambing
sa tatlong tuldok na katawan,
ay sigáw na kay saráp dinggin.

Sinong ama'ng di maaantig
diníg sa bulól na katagâ,
dal'wang buwang may dal'wang pantig,
may mensaheng hamon at tuwâ.

Kayá kinalong, tinuldukán
kanyang maliliít na hikab
at mga patlang sa katawán
sa kudlit ng antok at alab.

f.viii.c.xx.s.mmxii

15 August 2012

Dama(y)


Dama(y)

Maaaring lumipas ang unós,
maaaring ulán ay tumilà,
maaaring bagyó ay maghunos
o di kayá'y humupà ang bahâ...

...pero hindi ang kapabayâan,
'di ang kawalán ng disiplina,
'di ang paglabág sa kalikasan,
o kawaláng pagpapahalagá.

Hindi ang pagbabató ng putik,
hindi rin ang pamumulitiká,
hindi rin ang mga pumipitík
o waláng katuturáng pag gasta.

Hindi ang nabubuhay sa suhol,
hindi ang pamumulá ng gubat,
hindi ang sa yaman nauulól,
hindi ang pagtabáng ng dagat.

Hangga't may mga nagpapasawáy
at mga nagwawaláng bahalà,
damá nga natin patí ang damay
kapág dumadama ang sakunâ.


viii.f.viii.c.mmxii.s.=¤
Ito ang una sa apat na bahang tinawid ko - panulukan ng
Anonas at Tindalo St sa may Proj. 3 noong Agosto 8, 2012

06 August 2012

May Bagyo Ba?

May Bagyo Ba?

Walang
magagawa
kahit sinong santo
upang mapigilan itong
bagyo
kaya naman
magtitindang santol
upang tugunan sikmurang
kalam.

f.viii.c.vii.s.mmxii.c-wealth

Talino Lang Ni Pilato


 Talino Lang Ni Pilato

Hindi pa nga naampat
ang mga unang panaghóy
luhang di dapat pumaták
mulí na namáng dumaloy.

Pag-asa'y mulíng nanangis
sa kinapatirang pangkat
anák mahál na kay tamís
pangarap, naglahong ganáp.

Hindi nga ba kalokohan,
pumasá magíng bihasâ
subukin ang katapatan
sa tulong ng mga pasâ!

Di ba kabalintunaan
kapatiran ay kasanggâ
mag aral ng katarungan
patí na maging masamâ!

Anóng silbi ng talino;
magalíng nga anóng saysay,
kung tulad lang ni Pilato
mahusay, maghugas kamáy!

f.viii.c.vi.s.mmxii.kalayaan

02 August 2012

Pwede Na Uli Maglayag

Pwede Na Uli Maglayag

Mag iisang buwan halos,
nang tila pagba bayuhin
ng masamang pangitain
ang magkabilang baybayin
sa dagat ng kaisipan.

Matinding sikat ng ulo,
pulo-pulong panibugho
na may dagling pagtatampo
at manaka-nakang yabang
ang nanalasa sa tuwa.

Nagdilim ang kalabisan,
nagkulay ihi ang dagat,
naglaho taglay na alat
at nanupok ang santelmo
dahil sa sama ng loob.

Ngayon...

...pwede na uli maglayag.

f.viii.c.iii.s.mmxii

Aya Kay Arah


Aya Kay Arah 

Ala nga bang mapapalA,
Bibihagin ba ng alaB
Kakabig nga ba ng haliK,
Dagling magiging mapalaD?
Ewan, tukso 'tong 'di balE!
Ganunpaman, di papayaG;
Heto ako reyna AraH,
Itataya ang sarilI,
Libakin ma't maging hangaL,
Magtit'yaga hangga't alaM
Na buhay, sa'yo lang laaN.
NGayon, bukas magpa hanggaNG,
Oo, magpahanggang dulO,
Pakamamahaling ganaP.
Ramdam ko at nasa lugaR;
Sa kaibuturang wagaS,
Talima pati ang takoT.
Umaasa itong DatU,
Wakas na ng pagkauhaW
Yamang ikaw ang tagumpaY.

f.viii.c.ii.mmxii.s

Pagtahan ng Unos

 Pagtahan ng Unos

Ang unos at malupit nitong balabal,
di baleng sa lupa mag-iwan ng marka
o magbaon ng hapis at pagdurusa,
huwag lang nawa, na tayo ang mabuwal.

f.7.c.24.s.12

Rosas


Rosas
Rosas
nakapikit
pag gising maganda,
sa kanyang konting panahon;
lanta;
mangungupas
mangaglalaho sa mundo:
tulad nga ng tao;
bandang huli,
bulok.

10.30.11
(Unang subok sa Mirror Cinquain
sa inspirasyon ng Isaiah 40:8)

Buntong-hininga

 Buntong-hininga

T'wing palubog ang araw,
buntong-hininga
itong pamatid-uhaw.

05.17.11

Nganga

Brap badap barabadabap...
tumapat sa 'sang tindahan,
tambol ng namamalimos,
na animo nanggugulat
sabay binigkas ang NGANGA!
Wala! sabi ng tindera.
NGANGA! ulit pa ng mama.
Pareho lang tayong NGANGA!
sambit naman ng tindera.
NGANGA! sa pangatlong ulit
anas ng mamang makulit.
Tindera'y napasimangot.
Kaya umalis ang mama
sabay sigaw ng MADAMOT!

fcs.vii.xiv.xii.salem