10 June 2012

Kung Hindi Pa Umulan

Lunes,
maaliwalas
ang araw.
Martes,
ang sarap
magpahingalay.
Miyerkules,
maalinsangan
ang hangin.
Huwebes,
nagdilim
ang kaulapan.
Biyernes,
basang-basa
sa ulan.
Sabado,
ano pa
di nilagnat.
Linggo,
umuwi
sa asawa ko.

fcsviviixiimolave

Hiyas

Hatinggabi, nakatanghod ako sa Ilog Opon
habang nagbabakasakaling mahuli ang antok
nang mapansin ko sa kalagitnaan nang pagmumuni-muni
ang isang maningning na hiyas sa gitna ng tahimik na tubig.
Naengkanto ako sa kakaiba nitong kislap kaya hindi ko namalayang
hinahatak na ako ng aking paa palusong.

Mahina ang daloy sa pampang
pero habang kumakampay patungo sa gitna,
nararamdaman kong bumibigat ang agos.
Ganunpaman, naabot ko rin ang inaasam.
Sa kasamaang palad, sandali ko lang itong nahawakan.

Sa kabila ng pagsusumigasig,
napagtanto ko na kung sasalungat ako sa agos
at pilitin itong makuha, mawawala ang kanyang ningning,
masasaktan ako at dalawa kaming mawawala.

Kaya binitawan ko sya, pumikit ako
at nagising sa kandungan ng isang reyna.

fcsvivixiikalayaan

Akala Ko

Matagal ding nagtampisaw
ang alon sa lilim ng mga bituin,
naki-indak sa ngiti ng dagat
na ang galak,
walang mapagsidlan
tuwing kabilugan ng buwan.

Naghintay ang dagat
sa akalang ang buwan
ay magtatapat,
hanggang sa
unti-unting naghari ang dilim
at napatunayang hiram,
ang taglay nitong ningning,

tulad nang akala kong ika'y akin.

fcsvi.v.xiikalayaan

Kinimkim

Hindi ako matahimik,
pilit ko mang labanan
ang ingay sa aking dibdib.

Kaya anumang dagundong,
sinikap kong languyin
ragasa ng daluyong.

Ngunit di na nakaimik,
kasabay na nalunod
kinimkim na pag-ibig.

fcsviivxiikalayaan

Konsyensya Ang Dunong

Hindi
malilito
ng matatalino
ang tao na konsyensya ang
dunong.

fcsvxxxixiivluna

Nang May Makain

Pilit idinidilat;
para lang may makain,
ang magkabilang matang
kinain ng talukap.

fcsvxxixxiikamias

Kalinga

Kalinga

Araw-araw
tuwing kakagat ang dilim,
inaagaw ang init ng musmos na katawan
hindi ng malamig na gabi 
kundi ng labis na pangungulila,
habang tila tuksong nag aanyaya 
ang malamig na sahig
na doon pansamantala
humanap ng kalinga.

vxxvixiifcsanonas

Bayan ng Dinuguan

     Nakakita ka na ba nang isang bayan na iisa lang ang restoran at ang putahe ay DINUGUAN lamang? Ang mga kusinero at buong kru dito ay mga naka kurbata pero naka pajama at halos lahat ay miyembro ng kombo, malilinis at madalas din naman maghugas ng kamay - lamang, hilaw lang ang kaya nilang ihain.

     Pauna ko lang, walang kasamang kanin ang menu dito kung inaakala mong meron. Pero dahil malawak naman ang kanilang bakurang puno ng palay; puwede ka raw dito mamulot - bawal lang giikin, papakin o lutuin. Ayaw kasi nilang makakita ng ipa bukod sa mahal daw ang mga panggatong. Sandamakmak din ang bigas dito, kaya lang di pwedeng kunin o hingiin dahil baka raw magutom ang mga alaga nilang bokbok.

     Dahil sa wala kang mapagpipilian, maghihintay ka talaga ng matagal. Pagdating mo, saka lang nila gigilitan ang baboy sa'yong harapan. Ang kakat'wa dito, parang mga maaamong tupa ang mga baboy. Mas maiingay pa ang mga matadero habang nililibang ng mga kusinero at kru ang mga naiinip na kustomer. Bukod kasi sa matagal nga, wala silang mesa at silya na pwedeng paghintayan. Meron silang upuan pero sa kanila lang.

     Pagkatapos makatay ang baboy, itatapon ang laman, itatabi ang tenga, dila at dugo, kukunin ang bituka, sasabunin nang di binabaliktad, tatadtarin at sa sarili nitong mantika, gigisahin. Pagkatapos ibubuhos ang dugo at ibubudbod ang tinadtad na tenga at dila - saka pa lamang maihahain.

     Ang kagandahan lang dito, inihahain nila ito ng LIBRE.

Pero kung ayaw mo naman nang iisa nilang putahe, pwede ka sa kanila mag request ng gulay - bubunot lang sila sa kanilang bakuran at ibibigay sa'yo kasama pati yung lupa. Bahala ka nang humimay.

Isa lang talaga ang patakaran nila, BAWAL ANG UMANGAL!

Stlukes.051812.fcs10:02am ·