31 December 2012

Agos


Agos

Patuloy ang agos ng panahon
humihigpit ang mga paghamon
tumataas habang lumalaon,
kaya kailangan na bumangon.

Oo, may magbabago sa taon
maliban sa pagbagsak ng kwiton,
tiyak na magaganap ang layon
kung ibibigay ng Panginoon.


f.xii.c.xxxi.s.xii.tungko

29 December 2012

Usal

Usal

Nararapat lang umusal
ng taimtim na dalangin
kahit damdam ng Maykapal
pangarap na inaangkin
nang mapatunayang tunay
pag-ibig nga ay dalisay.

f.xii.c.xxix.s.xii.kc

28 December 2012

Oo

 Oo

Makamit giliw
ang matamis mong oo
pamatid agiw
sa nilumot kong puso
ayos na buto-buto

tanka.f.xii.c.xxix.s.xii.narra

Regalo

Regalo

Nalibíng mulí sa sulok
ng pansamantalang kislap
at salimbayang palakpak
ang Regalong inaalók.

Tahana'y mulíng nabalot
sa alabok na pabalát,
pusong langó sa halakhak
natubóg ulí sa lungkot.

Kaloob na di malukot
patuloy na maghihintay
biyaya ang ibibigay
sa kanino mang dadampot.

3dalit.f.xii.c.xxviii.s.xii.narra

Patay Lamang

Patay Lamang

Patay lamang ang sawi
kaya umibig lagi
hanggang pilat mapawi

diona_f.xii.c.xxviii.s.xii.kc

27 December 2012

Balintunang Pag-ibig

Balintunang Pag-ibig

 Pag-ibig, balintuna
ang duyan nitong tuwa

nakatali sa leeg
ng bulag na pag-ibig,

at pagnanasang nagbulid
sa panalanging nilubid.

sijo.f.xii.c.xxviii.s.xii.narra

Labada

Labada

Sa kamay niya ay bula
paano mawawala
kung ito ang anyaya

na s'yang magpapawala
sa batang naulila
ng inang naalila

ng awa sa sarili

sevenling.f.xii.c.xxviii.s.xii.narra

22 December 2012

Dalawang Ulilà

Dalawang Ulilà

Matá ay nangaulilà
ng musmos na mga luhà,
paták nito'y nagíng bahâ
nakita kong isáng sumpà.

Waláng tigil ang pagdaloy
parang ilog tulóy-tulóy,
tangáy ang pusong naluoy
sa dagát-dagatang apóy.

Naroon nangayupapà
amá at ináng pabayâ,
mga nagtapon ng batà
dusa'y walang patumanggâ.

Samantalang inuugoy
ang mga batang palaboy
sa ulap inilalangoy
habang galak ay patuloy.

dalit.f.xii.c.xxii.s.xii.anon

16 December 2012

Nang Ika'y Likhain

Nang Ika'y Likhain

Sa aking panaginip
tanong sa'king hinuha,
sino ang nasa isip
nang likhain ka Niya? 

Nagbulay nga pagbangon
kung tunay Niyang alam
ang Kanyang nilalayon,
na nais ko'y pagbigyan.

Ngayong nasa dambana
may sagot na'ng nilirip,
nang likhain ka Niya
ako'ng Kanyang inisip.

pfcs.12.16.12.home

Babaeng Payaso

Babaeng Payaso

Babaeng mukhang payaso
pakalat-kalat sa kanto
animo tinapong buto
kaya tinangay ng aso

dalit.f.xi.c.v.s.xii.tsora

Tinda

Tinda

Di mabaybay ang paninda,
pagod hindi iniinda,
pero bago magpahinga,
may malinaw nang kinita.


dalit.f.xii.c.xii.s.xii.tsora

Kalinga


Tapat, walang pasubalì
tuwi-tuwina'y kandilì
kalinga bawat sandalî
nitong Dios dakilang harì.

Dalit_Sunday, December 9, 2012

Walang Hanggang Pagtingin

Walang Hanggang Pagtingin

Hindi ko hahayaang matapos
basta na lamang sa pagkaluoy
ang pagsinta na parang naupos
na pagsuyo, nawalan ng apoy.

Lilikha ako ng bagong rosas
tatagniin, natuyong talulót
ng mga halik ng nakalipas
gamit ang tinik na laging bubót.

Sakali mang mawalan ng gatong,
iipunin ko ang abó't uling
at iguguhit ko sa panahon
ng walang hanggan itong pagtingin.


f.xii.c.viii.s.xii.narra

Lalang

Lalang

Lalang madalas ng tao
ang buhay niyang magulo,
di ba ang gawa ng diyablo
sya'y painan lang ng tukso?

Dalit_11.25.12home

Tungga

Tungga 

Tumutungga ang mamà
nang walang patumanggà
gamit ang konting kità


f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Halik

Halik

Pawang nangayupapà
nang palaring bahagyà
napahalik sa lupà

DIONA_f.x.c.xxvii.s.xii.anonas

Pilit

Pilit

Pilit na pinipilit
kung saan ang masikip
doon nagsusumiksik

f.x.c.xxvii.s.xii.anonas

Kumot

Kumot

Sana'y wag kang lumimot
dito, tela ang kumot
panangga sa'king lungkot

Diona_f.x.c.xxvii.s.xii.anonas


Antok

Antok

Naglatag na ang kurap
nagniig ang talukap
mga mata'y nagalak

f.x.c.xxvii.s.xii.anonas

15 December 2012

Pulot

Pulot

Lalagyan ko ng pulot
ang kangkungang malungkot
sakaling dun mapulot

f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Butong Pakwan

Butong Pakwan

Para lang butong pakwan
ang buhay nating tanan
kukutin sa handaan

f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Loob

Loob

Maaaring mapudpod
katawan ay mauod
pero hindi ang loob

f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Hindi Bulok

 Hindi Bulok

Siguro nga'y basura
pero di ako bulok
meron akong konsyensya

f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Lakas

Lakas

Buto'y pwedeng kumalas
anit kaya'y maghulas
ngunit kay Cristo'ng lakas

f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Bilang

 Bilang

Bilang Nya aking buhok
kahit pa nga mapanot,
kaya di magmumukmok

f.x.c.xxvii.s.xii.anonas

14 December 2012

Daya

Daya

Ang akalang pabalik
ay matuling pagpihit
at daya ng pagpikit

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Langit at Lupa

Langit at Lupa

Mayakap man ang langit
kung kalul'wang kapalit
sa lupa rin hahalik

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Lilok

Lilok

Ano ba ang nalilok
pagtilaok ng manok
sa kahapong pagsubok?

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Tapat

Tapat
 
Kaibigang matalik
basahin mang pabalik
TAPAT, ka pa bang titik?

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Kamalayan

Kamalayan

Tuksong iniiwasan
kung alam ng isipan
nababalik-balikan

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Tukso

Tukso

Basurang nakasiksik
paborito ng bub'wit
tuksong pabalik-balik

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Alingawngaw

Alingawngaw

Ika'y alingawngaw nga
ipukol ma't mawala
bumabalik ng kusa

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Pagsunod

Pagsunod

Buhay di parang lunód
kung magbabalík loób
at kay Cristo susunód

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Tarmak

Tarmak

Parang hanging umindak
ang puso ko sa galák
pagbaba mo ng tarmak

diona.f.xi.c.xii.s.xii.ever

Sapin

Sapin

Kaya kong patuyuin
ang paang walang sapín
hanggang ika'y dumating

diona.f.xi.c.ix.s.xii.vluna

Dagâ

Dagâ

Sanrekwang mga dagâ
sa dibdib rumagasâ
nang wangis mo'y makità

diona.f.xi.c.ix.s.xii.vluna

Babalikan

Babalikan

Di baleng mahirapan
sa lugar ng dayuhan
basta may babalikan

diona.f.xi.c.ix.s.xii.vluna

Luha

Luha

Pagkai'y mga luha
habang nangungulila
hanggang ika'y makita

diona.f.xi.c.ix.s.xii.vluna


Bukal

Bukal

Ang tanging ninanasà
tuluyang maulilà
itong bukal ng luhà

diona.f.xi.c.ix.s.xii.vluna

Ngitî

Ngitî

Tapos na ang pighatî
ang luhang nalalabî
mapapal'tan ng ngitî

diona.f.xi.c.viii.s.xii.vluna

Samyô

Samyô

Ang naiwan mong samyô
sa'king isip at pusò
ang sa'yo magsusundô

diona.f.xi.c.viii.s.xii.pca

Dasal

Dasal
 
Sa kandungan ng langit
dasal paulit-ulit
ang iyong pagbabalik

diona.f.xi.c.vi.s.xii.narra

Tagpuan

Langit itong tagpuan
habagat nag aabang
sa yakap ng amihan

diona.f.xi.c.vi.s.xii.pca

Kahit Sa Tula

Kahit Sa Tula

Kahit man lang sa tula
matupad ang lunggati
kahit pa maalila
basta ika'y ngumiti

Tanaga_Sunday, September 30, 2012

28 September 2012

Mahal Kong Pakbet


Mahal Kong Pakbet

 Ulam nangangamote
nangayayat ang lasa,
hataw kasi dumoble
paít ng ampalaya.

Talóng nangagsiiksî,
pakbet kong tinitimpla
sa badyet kong tinagnî,
t'yak mangangalabasa.


2tanaga.9.f.28.c.12.s.anonas

26 September 2012

Ikaw Ang Aking Tulâ



Ikaw Ang Aking Tulâ

Tinitingaláng talatà
tila patáy-sinding talà
kasíng babaw lang ng tuwâ
kasíng baba lang ng luhà.

Ang diwà ay ligalíg
waláng pintig itóng pantig
titik na sa luha'y dilíg
sa kawalan nakahilig.

Ngayon, hindi na ulilà
ang mga saknong at tugmà
dahil sadya Nyang tinakdà
ika'y maging aking tulâ.

Awit.f.9.c.19.s.12.kalayaan

Happy Pot Wedding Anniversary mahal!

22 September 2012

Kaibigang Tapat

Kaibigang Tapat

O kay sarap mayakap
ng kaibigang tapat
kesa pasasalamat
ng isang mapagpanggap.

Tanaga.fcs.9.22.12.Kamagong

21 September 2012

"Propeta"


"Propeta"

"Magugunaw na ang mundo!"
sìgáw ng propetang pagód
mahina't uugod-ugód
habang naninigarilyo.

f.9.c.18.s.12.kamagong
Photo credit: Ricky Refuerzo

Kalahatì


Kalahatì
 
Kalahating mamà
kalahating ale
gutóm na sikmurà
binatak ng kalye.

f.9.c.18.s.12.kalayaan

Bumabáng Waláng Dangál

Bumabáng Waláng Dangál

Sakáy ng dyip ang pulís,
porma nya'y hustong takal,
tapos ay tumalilís
bumabáng waláng dangál.

f.9.c.17.s.12.kalayaan

Tapak


Tapak

Hindi hangad ang papuri
o kaya'y maparangalan
wag na sanang iaglahi
at ang likod ko'y tapakan.


f.9.c.17.s.12.molave

Ang Hunyango, Anay, Bukbok at Lamók

Ang Hunyango, Anay, Bukbok at Lamók

Sa labás, tingín mo ay matipunô
may gilas ang pundasyon, matitinô
pero buhatin mo kanilang bangkò
magaan, inaanay ng hunyangò.

Upuá'y walang bakás pagkabulók
ngunit kung idadaan sa pagsubok
ihaplit ang pangtuwid na pamukpok
binukbok nga ng mga utak lamók.

Mapakinabangan pa ba ng madlà,
kung uri'y tuluyang panggatong na nga?
Mukhang bago subalit sadyang lumà,
isang patibong na mapaminsalà.

f.9.c.12.s.12.sikatuna

24 August 2012

Da-Di!


Da-Di!

Sumisinghap, paputól-putól,
hinahanap ang aking tinig
at pilit na ipinupukól
kanyang unang dalawang pantig.

Kasabay ang hiyáw padamdam
at pangungusap na kay lambing
sa tatlong tuldok na katawan,
ay sigáw na kay saráp dinggin.

Sinong ama'ng di maaantig
diníg sa bulól na katagâ,
dal'wang buwang may dal'wang pantig,
may mensaheng hamon at tuwâ.

Kayá kinalong, tinuldukán
kanyang maliliít na hikab
at mga patlang sa katawán
sa kudlit ng antok at alab.

f.viii.c.xx.s.mmxii

15 August 2012

Dama(y)


Dama(y)

Maaaring lumipas ang unós,
maaaring ulán ay tumilà,
maaaring bagyó ay maghunos
o di kayá'y humupà ang bahâ...

...pero hindi ang kapabayâan,
'di ang kawalán ng disiplina,
'di ang paglabág sa kalikasan,
o kawaláng pagpapahalagá.

Hindi ang pagbabató ng putik,
hindi rin ang pamumulitiká,
hindi rin ang mga pumipitík
o waláng katuturáng pag gasta.

Hindi ang nabubuhay sa suhol,
hindi ang pamumulá ng gubat,
hindi ang sa yaman nauulól,
hindi ang pagtabáng ng dagat.

Hangga't may mga nagpapasawáy
at mga nagwawaláng bahalà,
damá nga natin patí ang damay
kapág dumadama ang sakunâ.


viii.f.viii.c.mmxii.s.=¤
Ito ang una sa apat na bahang tinawid ko - panulukan ng
Anonas at Tindalo St sa may Proj. 3 noong Agosto 8, 2012

06 August 2012

May Bagyo Ba?

May Bagyo Ba?

Walang
magagawa
kahit sinong santo
upang mapigilan itong
bagyo
kaya naman
magtitindang santol
upang tugunan sikmurang
kalam.

f.viii.c.vii.s.mmxii.c-wealth

Talino Lang Ni Pilato


 Talino Lang Ni Pilato

Hindi pa nga naampat
ang mga unang panaghóy
luhang di dapat pumaták
mulí na namáng dumaloy.

Pag-asa'y mulíng nanangis
sa kinapatirang pangkat
anák mahál na kay tamís
pangarap, naglahong ganáp.

Hindi nga ba kalokohan,
pumasá magíng bihasâ
subukin ang katapatan
sa tulong ng mga pasâ!

Di ba kabalintunaan
kapatiran ay kasanggâ
mag aral ng katarungan
patí na maging masamâ!

Anóng silbi ng talino;
magalíng nga anóng saysay,
kung tulad lang ni Pilato
mahusay, maghugas kamáy!

f.viii.c.vi.s.mmxii.kalayaan

02 August 2012

Pwede Na Uli Maglayag

Pwede Na Uli Maglayag

Mag iisang buwan halos,
nang tila pagba bayuhin
ng masamang pangitain
ang magkabilang baybayin
sa dagat ng kaisipan.

Matinding sikat ng ulo,
pulo-pulong panibugho
na may dagling pagtatampo
at manaka-nakang yabang
ang nanalasa sa tuwa.

Nagdilim ang kalabisan,
nagkulay ihi ang dagat,
naglaho taglay na alat
at nanupok ang santelmo
dahil sa sama ng loob.

Ngayon...

...pwede na uli maglayag.

f.viii.c.iii.s.mmxii

Aya Kay Arah


Aya Kay Arah 

Ala nga bang mapapalA,
Bibihagin ba ng alaB
Kakabig nga ba ng haliK,
Dagling magiging mapalaD?
Ewan, tukso 'tong 'di balE!
Ganunpaman, di papayaG;
Heto ako reyna AraH,
Itataya ang sarilI,
Libakin ma't maging hangaL,
Magtit'yaga hangga't alaM
Na buhay, sa'yo lang laaN.
NGayon, bukas magpa hanggaNG,
Oo, magpahanggang dulO,
Pakamamahaling ganaP.
Ramdam ko at nasa lugaR;
Sa kaibuturang wagaS,
Talima pati ang takoT.
Umaasa itong DatU,
Wakas na ng pagkauhaW
Yamang ikaw ang tagumpaY.

f.viii.c.ii.mmxii.s

Pagtahan ng Unos

 Pagtahan ng Unos

Ang unos at malupit nitong balabal,
di baleng sa lupa mag-iwan ng marka
o magbaon ng hapis at pagdurusa,
huwag lang nawa, na tayo ang mabuwal.

f.7.c.24.s.12

Rosas


Rosas
Rosas
nakapikit
pag gising maganda,
sa kanyang konting panahon;
lanta;
mangungupas
mangaglalaho sa mundo:
tulad nga ng tao;
bandang huli,
bulok.

10.30.11
(Unang subok sa Mirror Cinquain
sa inspirasyon ng Isaiah 40:8)

Buntong-hininga

 Buntong-hininga

T'wing palubog ang araw,
buntong-hininga
itong pamatid-uhaw.

05.17.11

Nganga

Brap badap barabadabap...
tumapat sa 'sang tindahan,
tambol ng namamalimos,
na animo nanggugulat
sabay binigkas ang NGANGA!
Wala! sabi ng tindera.
NGANGA! ulit pa ng mama.
Pareho lang tayong NGANGA!
sambit naman ng tindera.
NGANGA! sa pangatlong ulit
anas ng mamang makulit.
Tindera'y napasimangot.
Kaya umalis ang mama
sabay sigaw ng MADAMOT!

fcs.vii.xiv.xii.salem

27 July 2012

Daan Ng Mga Langgam

 Daan Ng Mga Langgam

Gabing may katamisan
laging inaasahan

mag iipon ng sabik
sa mamantikang latik

nang hindi na magpaalam
ang daan ng mga langgam

sijo.vii.xxvii.mmxii

Habilin

Sa'yo ihahabilin
ang buhay ko o hangin

doon mo ako dalhin
kung saan ka nanggaling

kung saan walang panimdim
at natulog na ang dilim

sijo.vii.xxvi.mmxii

23 July 2012

Lumang Dahon


Lumang Dahon

Ang unos ay walang pasubali;
minsan ay tahimik tila kimi,
datapuwa't hindi mangingimi
na ang hagipin nya ay mabali.

Tatango na lang ako sa ihip
sapagkat di ko kayang malirip
kung bakit minsan ay tinatahip
palayo sa ating panaginip.

Uunawain nang mahinahon,
sasakyan ang puso ng panahon,
baka kasi simula pa noon
taglay pa, ang mga lumang dahon.

f.07.c24.s12.kamagong
...isang pagbubulay mula sa 
"Unos sa Unang Dekadang Paglagi" 
ni kaibigang Michel Olivares Sarifa

22 July 2012

Hindi Ako Perpekto

Hindi ako magtitiwala sa'king dila
dahil puwede itong madulas,

Hindi ako magtitiwala sa'king puso
dahil ito'y pabugso-bugso,

Hindi ako magtitiwala sa'king tenga
dahil wala itong pang-unawa,

Hindi ako magtitiwala sa'king isip
dahil ito ay limitado...

hindi kasi ako perpekto.


f.o7.c23.s12.kalayaan

13 July 2012

Liham Pag-ibig

Huwag tumangis
sa paglipas ng sandali
sapagkat ito’y mahaba
kumpara sa saglit
na hindi na bumalik.

Hindi man bumalik,
ang mahalaga
ay ang naiukit
ng tapat na titik
na nagmumula,

sa pusong pumipintig.


fcs.vii.xiii.xii.kamagong

Mahiyaing Matapang

Ninais kong mahaplos
makukulay na bungkos
kasing rikit ng rosas,

subalit nang dukwangin;
nagpaubaya naman,
lamang, ako’y duguan.

fcs.vii.xiii.xii.kamagong

Makahiya

Mailap,
dinig
maging pintig
sa’king dibdib. 

Mahinhin,
ngunit
magka minsan,
maramdamin.

Maselan,
labi’y
hindi basta
nahahagkan.

Angkinin,
pero
maging handang
masugatan.

fcs.vii.xiii.tindalo

Sa Kawa Lang

Pagtibayin ang kalinisan
bago ito pagsaluhan,
pasayawin ang init
ang katas ay gatungan.
Baong matamis, tandaan,
mas maganda kung lulutuin…

…sa kawa lang.

fcs.vii.xii.xii.kalayaan_sevenling

12 July 2012

Punla ng Tula

Ulila man sa pansin
kampo ng magagaling,
pawang nagsisilimlim.

inuukit sa init
ang rimang maririkit
kahit sa loob ng dyip;


...mapipisa ang tula.

hanggang muling maglimlim
isip manginginain
samut-saring kakanin.
katuwang itong tandang
maghahanap sa parang
matamis na pukyutang

…magdadala ng punla.

2/21/11

11 July 2012

Paalam Pidol

Nagagalák,
hindi dahil sa iká'y nawalâ,
kundi dahil sa iniwang tuwâ.

Natutuwâ,
hindi dahil sa iyóng pag uwî,
kundi sa iniukit mong ngitî.

Nangingitî,
hindi sa akó ay natatawá
kundi sa masayáng alaala.

fcs.vii.xii.xii.vluna

Sa Tangan Kong Anak

Muli, aking nasilayan
sa pikit nyang mga mata
ang Iyong tanging pagtingin.

Minsan pa ay nahawakan
sa maliit nyang daliri,
ang kamay Mo kamahalan.

Dinig ko, kahanga-hanga
sa kanyang unang pag-iyak,
tinig Mong walang kapara.

Nadama ko ang 'Yong yakap;
pag-ibig na di masukat,
sa tangan-tangan kong anak.

fcs.vi.xvi.xii.st.lukeserod9:12am

Mga Lintang May Buntot ng Diablo

Hindi tulad ng alitaptap na may sariling ilaw,
ang mga lintang ito na animo
may sanga-sangang buntot ng diablo
ay may huwad na liwanag
na ang dugong bumubuhay
ay nahihigop sa taba
na galing sa pawis
ng nangangayayat
na balana.

fcs.vii.iii.xii.kamagong

01 July 2012

Pulang Kalsada

Apatnapu't-limang minuto;
kasangga si habagat,
nakihamok si maitim na kulog,
nakipaglaro kay kidlat, 
na ang kakampi'y pangkat ni bituin.

Natapos ang pagpapambuno
na halos walang galos,
subalit nahati ang langit
nang ang ulap ay magalit
sa pagkatalo ni kidlát.

Dahil sa pagkadismaya,
si bahaghari'y nagmaktol
sabay naki-upak,
humahaginit naman si unos
habang panay ang palatak.

Kaya ang barkadahan ni kulimlim
tinipong pawang nakanganga,
pinagngalit sina singaw at hamog,
isinugo ang mala-asupreng si ulan
hanggang sa ang kalsada,

nagkulay pula.

fcsvi.xxx.xiikalayaan

Malayang Kamalayan

Tahimik,
ang mundo sa'king isip,
mahimbing ang tulog at kuntento.

Ngunit ang patlang,
di mapakali sa agwat ng saglit at sandali
na pumipintig ang aking puso.

Nang magkadaupang palad sa dambana
ang ating mga buntung-hininga,
ang nakapiit kong kamalayan,

sa wakas, ngayon ay lumaya na.

fcs.vi.xxviii.xxii.kalayaan

10 June 2012

Kung Hindi Pa Umulan

Lunes,
maaliwalas
ang araw.
Martes,
ang sarap
magpahingalay.
Miyerkules,
maalinsangan
ang hangin.
Huwebes,
nagdilim
ang kaulapan.
Biyernes,
basang-basa
sa ulan.
Sabado,
ano pa
di nilagnat.
Linggo,
umuwi
sa asawa ko.

fcsviviixiimolave

Hiyas

Hatinggabi, nakatanghod ako sa Ilog Opon
habang nagbabakasakaling mahuli ang antok
nang mapansin ko sa kalagitnaan nang pagmumuni-muni
ang isang maningning na hiyas sa gitna ng tahimik na tubig.
Naengkanto ako sa kakaiba nitong kislap kaya hindi ko namalayang
hinahatak na ako ng aking paa palusong.

Mahina ang daloy sa pampang
pero habang kumakampay patungo sa gitna,
nararamdaman kong bumibigat ang agos.
Ganunpaman, naabot ko rin ang inaasam.
Sa kasamaang palad, sandali ko lang itong nahawakan.

Sa kabila ng pagsusumigasig,
napagtanto ko na kung sasalungat ako sa agos
at pilitin itong makuha, mawawala ang kanyang ningning,
masasaktan ako at dalawa kaming mawawala.

Kaya binitawan ko sya, pumikit ako
at nagising sa kandungan ng isang reyna.

fcsvivixiikalayaan

Akala Ko

Matagal ding nagtampisaw
ang alon sa lilim ng mga bituin,
naki-indak sa ngiti ng dagat
na ang galak,
walang mapagsidlan
tuwing kabilugan ng buwan.

Naghintay ang dagat
sa akalang ang buwan
ay magtatapat,
hanggang sa
unti-unting naghari ang dilim
at napatunayang hiram,
ang taglay nitong ningning,

tulad nang akala kong ika'y akin.

fcsvi.v.xiikalayaan

Kinimkim

Hindi ako matahimik,
pilit ko mang labanan
ang ingay sa aking dibdib.

Kaya anumang dagundong,
sinikap kong languyin
ragasa ng daluyong.

Ngunit di na nakaimik,
kasabay na nalunod
kinimkim na pag-ibig.

fcsviivxiikalayaan