27 December 2011

Putikang Mga Anghel



Habang himbing sa papag,
duyang daluyong
ang yakap sa magdamag.

Habang hele ng ugong,
kandunga'y unos
sinisiklot ng alon.

Dahil sa diwang Babel,
naging kawawa
putikang mga anghel.

12.28.11_fcs_Anonas

(Alay sa mga batang tinangay ng bahang nilikha ni Bagyong Sendong 
noong Dec 17, 2011 sa Iligan at CDO)

25 December 2011

Hinihinging Bigay


Isa
lang sa mga
kabalintunaan,
ang hinihinging bigay pag
pasko!

12.26.11_fcs_Anonas

Maligayang Pasko

M-arami ang naghahandà,
A-balá sa pagpapalà,
L-imót sa isip ay walà
I-tóng dahiláng biyayà,
G-ayóng si Jesus ang talà,
A-ng liwanag na nagkusà,
Y-amang ang ating kalul'wà
A-y kailangan ng awà,
N-a sa dilím ay ulilà
G-ulanít nangayupapà.

P-uso kay Hesus ay buksan;
A-t itong kaligayahan
S-a saiyong waláng hanggan,
K-apayapaa'y tatahan,
O-o, magpa kailanman.


12.25.11_fcs_Anonas_Acrostic

Makabuluhang Pasko

Makabuluhang Pasko

Ang kapaskuhan ay walang saysay,
kung sa kinang na taglay ng bahay
at sa handa lang nakasalalay,
sa halip na pagbabagong buhay.

Hindi rin ito makabuluhan,
kung ito ay nakakahon lamang
sa pagtanggap ng mga regalo,
sa halip na pagtanggap kay Cristo.

12.25.11_fcs_home

Dalangin ko'y makabuluhang pasko sa lahat!

19 December 2011

Patay Na



Ayon sa pamahalaan,
gumanda na raw
ang ekonomiya
at ang bilang
ng mga nagugutom
ay bumaba, anila...
.
.
.

...patay na kasi yung iba.

12.19.11_fcs_Molave

18 December 2011

Kung Kailan Kailangan



Kung kailan kailangan
ay wala;
ang presensya,
ang haplos,
ang pagdamay,
ang malasakit,
para sa kababayang
nasa gitna ng sakuna
at mga pasakit.

Ano nga ba ang aasahan
sa isang ama,
na kailanman
hindi naging ama?

12.19.11_fcs_Molave

Magandang Buhay



Magandang buhay...
anák
ang aking pangarap,
tanging alay sa'yó;
higít
sa aking kalingà,
pag-ibig ng Diyos,
higít
sa'king pag-iingat,
kaligtasan kay Hesús,
higít
sa aking pangakò,
pag-asa sa Kanya,
higít
sa magandang bahay,
magandang tahanan
doon
...sa kabilang buhay!
12.05.11_fcs_sss

Debotong Pulubi



Panáy rosaryo
laging nasa simbahan,
lahat ng santo
paá'y hinahalikan,
pero asal gahaman.

120211_tangkà sa tanka

16 December 2011

Magulang


Maghapong nagsusugál

at ang kanyang kabiyak;

laging langò sa alak,
isang dakilang hangál,
habang nangangalakal 
ang sandosenang anák,

sa halíp na mag-aral.

Ang isá, ay talunán
umuwíng nagugutom,
habang pagulong-gulong
dahil sa kalasingan,
ang asawang nagwalà
patí itóng sikmurà,

magulang na magulang.

113011_fcs_tandang sora