27 November 2011

Sakit? Sakim!


Sakít
ang nilikhà
nitóng pandarayà,
kayá 'wag kang pahawa sa
sakím.

112511

Sawsawero


Markahan sa kalendaryo
itong mga sawsawero,
na palaging may komento
sa halos lahat ng isyu
at astang matatalino;
t'yak yun, hindi magsasanto

sa halalan, kandidato.

112411_fcs_sevenling

Ampat


Dalawang taón na ang lumipas,
sariwa pa rin ang mga sugat
at ang mga luha'y 'di maampat,
hangga't wala pang ngipin ang batás.

Limampu't waló ang tinambangan,
mga pangarap doón nagwakás,
waláng awang tinapal sa butas,
ng dayà at kasinungalingan.

Maampat pa kayà ang panaghoy,
ng mga nangagbuwis ng buhay;
kung katarungan, piríng nga'y taglay,
manipis naman nakalulu-oy?

11.23.11_fcs

13 November 2011

Lahát

 Anó,
anóng tulong,
anóng kailangan
ang hindi N'ya maibigáy;
saán
pa lalapit,
kung kay Jesu-Cristo,
ibinigáy sa tao ang
lahat?

11.13.11_fcs_Zapote

12 November 2011

Onse


Numero,
pangalan,
palayaw,
gamit na
simula nang magkatao.

Ahas,
luminlang,
abuso,
bilang nang
mawalá si Hudas.

11.11.11

08 November 2011

Waláng Kapantay


Kung paanong sa araw at gabí,
palaging hinahagkan ng alon,
ang malawak na dalampasigan,
gayundin at 'di maitatanggi
itong pag-ibig ng Panginoon;
waláng pagod, di mapapantayan.

fcs_xi.viii.xi_technohub

(Ang magandang litrato ay mula sa isang kababayan na nagngangalang Manay Letty Catalan(at siyempre may pahintulot))

05 November 2011

Sukdulan


Habang ang bawat sandalî
pawang mga alingawngaw,
saglít na mananatilì
kapagdaka'y pumapanaw.

Ang tao naman...

...samantalang nilalasíng
ng mundóng pansamantala,
dahan-dahang nahahalíng
sa buhay, 'di maabala...

...na walang kamalay-malay
kung kailán magaganáp
ang isá o dal'wáng igláp,
kaylanma'y 'di malalaman
itong dulo ng sukdulan.

xi.v.xi_jw@nso

03 November 2011

Butóng Pakwan

Sa umpisá'y
punô ang putíng lalagyan
ng butóng kulay dilím
na dahan-dahang kinukukót.

Habang lumalalim ang gabí
na kalaró ang baraha,
paunti nang pauntì
ang butóng pipi.

Dalawang oras ang lumipas;
ubós na ang mga butó,
nagkalat ang mga kabiyak na balát.

Mulá sa lamay na patí ulán nakikiramay,
binaybáy ang daán pauwì.
Habang nagmumunimuni,
tinatanong ang sarili;
ilang gabí pa kayâ
ang nakalaán
upang ang mga mahál
ay patuloy na masilayan?

Ang sagót ko'y hindi ko alám!

Ang alám ko lang,
para tayong mga butóng pakwan.

xi.iii.xi_fcs

Kailan?


Kailan ang tamang panahón,
kailan bibigyan ng pansin
na tayo'y pawang mga dahon;
matutuyô sa maghapon,
matapos pitasín ng hangin,
lahat sa lupà mababaón?

Kailan mauunawàan
na ang pagdatíng at pag alís
ay mistulang paták ng ulán,
mabubuó at ititigis,
mangaglalahò sa hantungan?

xi.iv.xi_fcs

02 November 2011

Ang Pagasa Ko

 Ang ilán,
sandigan ang kayamanan
o lakás ang sandatahán.
Ang sandigan ko'y si Cristo.

Ang ilán,
umaasa sa kabayo
at kalakasan ng tao.
Ang lakás ko ay si Cristo.

Ang ilán,
pagasa ang kapalaran
at taglay na kasikatan.
Ang pagasa ko'y si Cristo.

xi.iii.xi_fcs

01 November 2011

Walâ


Walâ,
doón lahát
uuwî sa walâ;
ngunit kung nagtiwalà kay
Cristo,
buhay
Niyang alók
'di binalewalâ,
langit ay 'di uuwî sa
walâ.

xi.ii.xi_mirror cinquain_fcs