31 October 2011
18 October 2011
Sundín Ang Loób Mo
nang itigis itong dugó Mo,
itinuwíd sa pagkakalumpó,
nang mabalì ang mga butó Mo,
pinalayà ang kaluluwa ko,
nang akûin ang kasalanan ko,
naging walang hanggan ang buhay ko
nang Iká'y mamatay sa kalbaryo,
kasa-kasama ang presensya Mo
nang Iká'y tumahan sa puso ko.
Ngayón, sa lahat nang ginawá Mo,
susundin pa rin ba ang loób ko?
x.viii.xi_fcs
13 October 2011
Baryá
Sa umaga,
tigá bilíng pandesal
tigá tapon ng basura
kapalit ang konting baryá.
Sa hapon,
namumulot ng kartón
pamatíd gutom
pandagdag sa baon.
Sa gabi,
abalá sa palengkè
katuwáng sa bilyaran,
daig pa'ng magulang.
Hating gabí,
nang ito'y pauwî,
inagaw ng kalsada
ang ipong barya.
x.xiv.xi_fcs
(Handog ko sa kapitbahay kong si JR - isang paslit na inagaw
ng mundong malupit sa Commondeath Highway)
12 October 2011
Basura! Basura!
"Basura, basura!"
Sigaw ng basurero isang umaga.
"Mga nabubulok ngayong Martes,
di nabubulok sa Huwebes!"
Hirit pa nya.
Lumabas ang aking kapitbahay
na kapupunas pa lang ng laway.
"Bakit di nyo kinukuha ang basura ko,
nakabalot naman ito?"
Angal ng mamang mareklamo.
"Halu-halo po kasi basura nyo!"
Katwiran ng basurero.
"Dati naman kinukuha ninyo,
kayo na ang maghiwa-hiwalay.
Kung ayaw nyong mabahuan,
mag opisina kayo!"
Tuyâ ng mamang bata.
Dumating ang Huwebes,
bumalik ang mga basurero.
Matiyaga uling naghakot.
"Basura! Basura!"
Iba ang bigkas at tono.
"Basura nang hindi pa nabubulok!"
Singhal nya pagtapat sa bahay
ng tulog pang maangal.
x.xii.xi_fcs
10 October 2011
Nariyan Ka
Sa isang sulok
kung saan ang diwa
ay ligalig sa gitna ng
agam-agam at kabagabagan,
naroon Ka.
Sa isang sulok
kung saan ang puso
ay lagalag sa gitna ng
panlalamig at alalahanin,
naroon Ka.
Sa isang sulok
kung saan ang kalul'wa'y
lupaypay sa gitna ng
dilim at liwanag,
naroon Ka.
Sa bawat sulok
kung saan hungkag
ang buhay sa gitna ng
tagumpay at kabiguan,
o Dios, nariyan Ka.
x.x.xi_fcs
07 October 2011
Subscribe to:
Posts (Atom)