31 December 2012

Agos


Agos

Patuloy ang agos ng panahon
humihigpit ang mga paghamon
tumataas habang lumalaon,
kaya kailangan na bumangon.

Oo, may magbabago sa taon
maliban sa pagbagsak ng kwiton,
tiyak na magaganap ang layon
kung ibibigay ng Panginoon.


f.xii.c.xxxi.s.xii.tungko

29 December 2012

Usal

Usal

Nararapat lang umusal
ng taimtim na dalangin
kahit damdam ng Maykapal
pangarap na inaangkin
nang mapatunayang tunay
pag-ibig nga ay dalisay.

f.xii.c.xxix.s.xii.kc

28 December 2012

Oo

 Oo

Makamit giliw
ang matamis mong oo
pamatid agiw
sa nilumot kong puso
ayos na buto-buto

tanka.f.xii.c.xxix.s.xii.narra

Regalo

Regalo

Nalibíng mulí sa sulok
ng pansamantalang kislap
at salimbayang palakpak
ang Regalong inaalók.

Tahana'y mulíng nabalot
sa alabok na pabalát,
pusong langó sa halakhak
natubóg ulí sa lungkot.

Kaloob na di malukot
patuloy na maghihintay
biyaya ang ibibigay
sa kanino mang dadampot.

3dalit.f.xii.c.xxviii.s.xii.narra

Patay Lamang

Patay Lamang

Patay lamang ang sawi
kaya umibig lagi
hanggang pilat mapawi

diona_f.xii.c.xxviii.s.xii.kc

27 December 2012

Balintunang Pag-ibig

Balintunang Pag-ibig

 Pag-ibig, balintuna
ang duyan nitong tuwa

nakatali sa leeg
ng bulag na pag-ibig,

at pagnanasang nagbulid
sa panalanging nilubid.

sijo.f.xii.c.xxviii.s.xii.narra

Labada

Labada

Sa kamay niya ay bula
paano mawawala
kung ito ang anyaya

na s'yang magpapawala
sa batang naulila
ng inang naalila

ng awa sa sarili

sevenling.f.xii.c.xxviii.s.xii.narra

22 December 2012

Dalawang Ulilà

Dalawang Ulilà

Matá ay nangaulilà
ng musmos na mga luhà,
paták nito'y nagíng bahâ
nakita kong isáng sumpà.

Waláng tigil ang pagdaloy
parang ilog tulóy-tulóy,
tangáy ang pusong naluoy
sa dagát-dagatang apóy.

Naroon nangayupapà
amá at ináng pabayâ,
mga nagtapon ng batà
dusa'y walang patumanggâ.

Samantalang inuugoy
ang mga batang palaboy
sa ulap inilalangoy
habang galak ay patuloy.

dalit.f.xii.c.xxii.s.xii.anon

16 December 2012

Nang Ika'y Likhain

Nang Ika'y Likhain

Sa aking panaginip
tanong sa'king hinuha,
sino ang nasa isip
nang likhain ka Niya? 

Nagbulay nga pagbangon
kung tunay Niyang alam
ang Kanyang nilalayon,
na nais ko'y pagbigyan.

Ngayong nasa dambana
may sagot na'ng nilirip,
nang likhain ka Niya
ako'ng Kanyang inisip.

pfcs.12.16.12.home

Babaeng Payaso

Babaeng Payaso

Babaeng mukhang payaso
pakalat-kalat sa kanto
animo tinapong buto
kaya tinangay ng aso

dalit.f.xi.c.v.s.xii.tsora

Tinda

Tinda

Di mabaybay ang paninda,
pagod hindi iniinda,
pero bago magpahinga,
may malinaw nang kinita.


dalit.f.xii.c.xii.s.xii.tsora

Kalinga


Tapat, walang pasubalì
tuwi-tuwina'y kandilì
kalinga bawat sandalî
nitong Dios dakilang harì.

Dalit_Sunday, December 9, 2012

Walang Hanggang Pagtingin

Walang Hanggang Pagtingin

Hindi ko hahayaang matapos
basta na lamang sa pagkaluoy
ang pagsinta na parang naupos
na pagsuyo, nawalan ng apoy.

Lilikha ako ng bagong rosas
tatagniin, natuyong talulót
ng mga halik ng nakalipas
gamit ang tinik na laging bubót.

Sakali mang mawalan ng gatong,
iipunin ko ang abó't uling
at iguguhit ko sa panahon
ng walang hanggan itong pagtingin.


f.xii.c.viii.s.xii.narra

Lalang

Lalang

Lalang madalas ng tao
ang buhay niyang magulo,
di ba ang gawa ng diyablo
sya'y painan lang ng tukso?

Dalit_11.25.12home

Tungga

Tungga 

Tumutungga ang mamà
nang walang patumanggà
gamit ang konting kità


f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Halik

Halik

Pawang nangayupapà
nang palaring bahagyà
napahalik sa lupà

DIONA_f.x.c.xxvii.s.xii.anonas

Pilit

Pilit

Pilit na pinipilit
kung saan ang masikip
doon nagsusumiksik

f.x.c.xxvii.s.xii.anonas

Kumot

Kumot

Sana'y wag kang lumimot
dito, tela ang kumot
panangga sa'king lungkot

Diona_f.x.c.xxvii.s.xii.anonas


Antok

Antok

Naglatag na ang kurap
nagniig ang talukap
mga mata'y nagalak

f.x.c.xxvii.s.xii.anonas

15 December 2012

Pulot

Pulot

Lalagyan ko ng pulot
ang kangkungang malungkot
sakaling dun mapulot

f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Butong Pakwan

Butong Pakwan

Para lang butong pakwan
ang buhay nating tanan
kukutin sa handaan

f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Loob

Loob

Maaaring mapudpod
katawan ay mauod
pero hindi ang loob

f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Hindi Bulok

 Hindi Bulok

Siguro nga'y basura
pero di ako bulok
meron akong konsyensya

f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Lakas

Lakas

Buto'y pwedeng kumalas
anit kaya'y maghulas
ngunit kay Cristo'ng lakas

f.x.c.xxix.s.xii.tsora

Bilang

 Bilang

Bilang Nya aking buhok
kahit pa nga mapanot,
kaya di magmumukmok

f.x.c.xxvii.s.xii.anonas

14 December 2012

Daya

Daya

Ang akalang pabalik
ay matuling pagpihit
at daya ng pagpikit

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Langit at Lupa

Langit at Lupa

Mayakap man ang langit
kung kalul'wang kapalit
sa lupa rin hahalik

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Lilok

Lilok

Ano ba ang nalilok
pagtilaok ng manok
sa kahapong pagsubok?

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Tapat

Tapat
 
Kaibigang matalik
basahin mang pabalik
TAPAT, ka pa bang titik?

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Kamalayan

Kamalayan

Tuksong iniiwasan
kung alam ng isipan
nababalik-balikan

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Tukso

Tukso

Basurang nakasiksik
paborito ng bub'wit
tuksong pabalik-balik

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Alingawngaw

Alingawngaw

Ika'y alingawngaw nga
ipukol ma't mawala
bumabalik ng kusa

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Pagsunod

Pagsunod

Buhay di parang lunód
kung magbabalík loób
at kay Cristo susunód

diona.f.xi.c.xix.s.xii.tsora

Tarmak

Tarmak

Parang hanging umindak
ang puso ko sa galák
pagbaba mo ng tarmak

diona.f.xi.c.xii.s.xii.ever

Sapin

Sapin

Kaya kong patuyuin
ang paang walang sapín
hanggang ika'y dumating

diona.f.xi.c.ix.s.xii.vluna

Dagâ

Dagâ

Sanrekwang mga dagâ
sa dibdib rumagasâ
nang wangis mo'y makità

diona.f.xi.c.ix.s.xii.vluna

Babalikan

Babalikan

Di baleng mahirapan
sa lugar ng dayuhan
basta may babalikan

diona.f.xi.c.ix.s.xii.vluna

Luha

Luha

Pagkai'y mga luha
habang nangungulila
hanggang ika'y makita

diona.f.xi.c.ix.s.xii.vluna


Bukal

Bukal

Ang tanging ninanasà
tuluyang maulilà
itong bukal ng luhà

diona.f.xi.c.ix.s.xii.vluna

Ngitî

Ngitî

Tapos na ang pighatî
ang luhang nalalabî
mapapal'tan ng ngitî

diona.f.xi.c.viii.s.xii.vluna

Samyô

Samyô

Ang naiwan mong samyô
sa'king isip at pusò
ang sa'yo magsusundô

diona.f.xi.c.viii.s.xii.pca

Dasal

Dasal
 
Sa kandungan ng langit
dasal paulit-ulit
ang iyong pagbabalik

diona.f.xi.c.vi.s.xii.narra

Tagpuan

Langit itong tagpuan
habagat nag aabang
sa yakap ng amihan

diona.f.xi.c.vi.s.xii.pca

Kahit Sa Tula

Kahit Sa Tula

Kahit man lang sa tula
matupad ang lunggati
kahit pa maalila
basta ika'y ngumiti

Tanaga_Sunday, September 30, 2012