28 September 2012

Mahal Kong Pakbet


Mahal Kong Pakbet

 Ulam nangangamote
nangayayat ang lasa,
hataw kasi dumoble
paít ng ampalaya.

Talóng nangagsiiksî,
pakbet kong tinitimpla
sa badyet kong tinagnî,
t'yak mangangalabasa.


2tanaga.9.f.28.c.12.s.anonas

26 September 2012

Ikaw Ang Aking Tulâ



Ikaw Ang Aking Tulâ

Tinitingaláng talatà
tila patáy-sinding talà
kasíng babaw lang ng tuwâ
kasíng baba lang ng luhà.

Ang diwà ay ligalíg
waláng pintig itóng pantig
titik na sa luha'y dilíg
sa kawalan nakahilig.

Ngayon, hindi na ulilà
ang mga saknong at tugmà
dahil sadya Nyang tinakdà
ika'y maging aking tulâ.

Awit.f.9.c.19.s.12.kalayaan

Happy Pot Wedding Anniversary mahal!

22 September 2012

Kaibigang Tapat

Kaibigang Tapat

O kay sarap mayakap
ng kaibigang tapat
kesa pasasalamat
ng isang mapagpanggap.

Tanaga.fcs.9.22.12.Kamagong

21 September 2012

"Propeta"


"Propeta"

"Magugunaw na ang mundo!"
sìgáw ng propetang pagód
mahina't uugod-ugód
habang naninigarilyo.

f.9.c.18.s.12.kamagong
Photo credit: Ricky Refuerzo

Kalahatì


Kalahatì
 
Kalahating mamà
kalahating ale
gutóm na sikmurà
binatak ng kalye.

f.9.c.18.s.12.kalayaan

Bumabáng Waláng Dangál

Bumabáng Waláng Dangál

Sakáy ng dyip ang pulís,
porma nya'y hustong takal,
tapos ay tumalilís
bumabáng waláng dangál.

f.9.c.17.s.12.kalayaan

Tapak


Tapak

Hindi hangad ang papuri
o kaya'y maparangalan
wag na sanang iaglahi
at ang likod ko'y tapakan.


f.9.c.17.s.12.molave

Ang Hunyango, Anay, Bukbok at Lamók

Ang Hunyango, Anay, Bukbok at Lamók

Sa labás, tingín mo ay matipunô
may gilas ang pundasyon, matitinô
pero buhatin mo kanilang bangkò
magaan, inaanay ng hunyangò.

Upuá'y walang bakás pagkabulók
ngunit kung idadaan sa pagsubok
ihaplit ang pangtuwid na pamukpok
binukbok nga ng mga utak lamók.

Mapakinabangan pa ba ng madlà,
kung uri'y tuluyang panggatong na nga?
Mukhang bago subalit sadyang lumà,
isang patibong na mapaminsalà.

f.9.c.12.s.12.sikatuna