20 April 2012

Kahanga-hanga


Isang pinapangarap,
sadyang kamangha-mangha
kung pano naging ganap.

Nang unang masilayan,
di maipaliwanag
ang aming kagalakan.

Sa ating Manlilikha,
wala ngang mapagsidlan
tunay naming paghanga.

Kaya narito anak,
alay namin sa iyo
buhay na nagtatapat.

Pangako'y uusalin,
ang tugon sa'ming dasal,
ay pakamamahalin.

04.20.12_fcs_kc
Alay sa aming bunsong pangarap,
si Eunice Faye (na ang ibig sabihin ay 
Tagumpay na Pananampalataya)

16 April 2012

Kurap

Pagkatapos sumingaw mawawala,
maiipon uli sa kung saan
at magiging delubyo
pagkatapos babagsak
nang may ibat-ibang buhos,
una sa mahihina
kasabay ng pagkabulabog
ng mga malalakas,
tapos paglalaruan
ang mga walang kaya
kundi sumunod sa agos ng ingay.
Bago manahimik,
yari na ang plano para sa sarili.

Kaya, huwag kang ku-kurap!


04.17.12_fcs_kamagong

Likha'y Anak Dalita

Ang salaping inibig
ay apoy na nagbulid
tumupok sa pundasyon
ng matatag na bansa
na sa buhanging lubid
doon nangakasalig,

mga anak dalita.

04.16.12_fcs_kc

Tunay kang Maralita


Kung wala kang pangyosi
kung wala kang pangsabong
kung wala kang pangsugal
kung wala kang pandroga
kung wala kang pantaya
kung wala kang pangtoma

tunay kang maralita.

04.16.12_fcs_kc

Sa Higpit Ng Sinturon


Maghapon at magdamag
patayan itong kayod,
sahod na kapiranggot
pambili lang ng gamot.
Pati mga kalansay
nawawalan ng buhay,

sa higpit ng sinturon.

04.15.12_fcs_commondeath ave

Kahit Wala Ka


Kahit wala ka
mabubuhay ako
dahil kapiling ko
ang iyong alaala


3.17.12_fcs_kalayaan