16 February 2012

Sadyá kang Mahiwagà


Bulág kahit dilát,
makata kahit huwád,
bayani kahit duwág
umaasa kahit bigô.

Pa'no ka tumubò
'san ka nagsisimulâ
maaarók ba kitá
kung sadya kang mahiwagà?

02.17.12.fcs.kamagong

14 February 2012

Pag-ibig, Kung ito'y Tunay



Hindi ito basta matá
na nakamamasid
para masabing
ito ang tamang pagtingin,

hindi ito basta labì
na pwedeng kulayan
para masabing
ganyan ang tamang ngiti,

hindi ito basta damdaming
nararamdaman
para sabihing
nasusuyà pag di nasuyò,

hindi ito basta hanging
habagat o amihan
para masabi kung kailan
aalis at darating,

hindi ito basta lupà
na kayang sukatin
para masabi
ang hangganan,

hindi ito basta rosas
na napipitás
para masabing
mas gusto ko pulá,

hindi ito basta bagay
na nawawalà
para masabing
makikita rin kitá,

hindi ito basta produkto
na naikakahon
para masabing
ito ang tamang pakete,

hindi ito basta ideya
na naitutulà
para magawan
ng sukat at tugmà,

hindi ito basta aklat
na nababasa
para malaman
ang dulo at umpisa,

hindi ito basta asukal
na naitatakal
para masabing
ganitó ang tamang tamís,

hindi ito basta tinda
na napipilì,
iiwan pag ayaw
bibilhin pag ibig.

02.14.12.fcs.kalayaan

11 February 2012

Hindi Ngunit Dagat


Hindi ito dagat
para masukat
ang lalim o babaw,
hindi rin naman alon
para bantayan
kung gaano nito kadalas hagkan
ang dalampasigan.

Ang mahalaga,
dagat din naman;
kung paanong
ang pusod nito’y iisa,
gayundin itong pag-ibig ko 

sa’yo sinta.

 020712.fcs.vluna

02 February 2012

Pag-ibig Palá


Hindi ko alam
kung ano itong nararamdaman;
habang bumibilis ang pintig sa dibdib
na parang bukal ng tubig
na nais makalaya,
para akong nasa alapaap,
nagtatampisáw sa hamog,
sa hangin ay nakayakap,
at paulit-ulit na
bumabagsak sa langit.

Hindi ko rin alam
kung bakit inaasám,
kahit minsa'y kinukurot ang puso,
bulag kung alin ang wagas at huwad.

Ni sa hanagap,
hindi ko alam ang hinahanap;
hanggang sa ika'y dumating,

pag-ibig pala.

012212.fcs.eave

Hindi Ang Aking Pagibig


Huwag pag alinlanganan
kung ang puso ko ba
laging ikaw ang pintig,
dahil hindi itó bahagharì
na makulay lang sa ilang sandalì,
hindi ito ulap na sumasakáy
lang sa hangin,
o kayà hamóg na buháy
lang sa magdamag.

Ang araw ay maaari
pang mangatóg sa lamíg,
datapuwat hindi
ang aking pagibig.

013012.fcs.kamagong