25 September 2011

Kulimbat


Madaling mangulimbat
kung ang mga kasabwat
ay puro mga alat.

09.25.11_Diona

Ginisang Gatasan


Boto'y sinalaula
ginigisa ang madla
sa sariling mantika.

09.25.11_Diona

Patutot


Gabi-gabi ay dilat
nang mabilad ang balat
pati kalul'wa'y salat.

09.25.11_Diona

24 September 2011

Kumpletong Araw


Sumasagwan akong paahon sa daluyong habang nililiglig ang magkabilang katig ng malilikot na alon. Pagkatapos mabanat ang mga buto, narating din ang ituktok at tumambad sa akin ang isang paraiso. Payapa ang paligid; ni hindi mo maririnig ang lagaslas ng talon na humahalik sa lawa, matining ang tubig. Payak ang buhay, halos pabulong kung mag-usap ang mga taga nayon, maaliwalas ang kanilang mga ngiti.


Ang napansin ko lang,
tila pangalawang beses ko na itong narating,
madali rin akong nainip.


Ang lugar, perpekto na sana bagaman nakabibighani,
kaya lang parang may kulang...


"Dadi gising na, mahuhuli ka na sa trabaho!"


Kumpleto na naman
ang araw ko.


09.24.11_fCs

20 September 2011

Kung Ika'y Kapiling


Ang dagat;
masarap panoorin
habang kayakap
ang buhangin,
masarap languyin
habang dinuduyan
sa ihip ng hangin,

pero mas masarap kung ito'y tatawirin...

...at ikaw ang kapiling.

09.20.11

18 September 2011

Kundi Ikaw

Hindi kailangan ng pag-ibig ko
ang buwan sa kalawakan
o bituing makinang;
walang harana,
walang rosas,
walang sayaw.

Hindi kailangan ng pag-ibig ko
ang lahat ng mga bagay...

...kundi ikaw.

09.19.11
Happy Anniversary sating dalawa mahal ko...

Ang Aking Katugma

Ano pang kwenta
na makagawa
ng 'sang sonata
kung mawala ka?

Ikaw ang aking tula
sa buhay ko'y tumutugma,
parang ihip ng amihan,
dala-dala ang ginhawa
sa aking puso at kaluluwa
habang idinuduyan
sa lilim ng iyong
mahalimuyak
na pag-big
na nakabigkis
sa pag-ibig ng Diyos.

09.16.11
~~~~~~~~~~~~~~~~~
Maligayang kaarawan sa'yo Franz, mahal kong esposa...sensya na...natrapik ng konti sa langit ang aking pa pansit!

16 September 2011

Pabigat

Syang sa baya'y pabigat,
itapong nararapat
sa kumukulong dagat.

09.16.11_Diona

Barya sa Tenga


Isang linggong kinita
inuwi sa pamilya
barya-barya sa tenga.

09.16.11_Diona

Bayaning Walang Pangalan


Di marunong tumula
wala rin librong likha,
mahal lamang ang kapwa.

09.16.11_Diona

Ganid

Sa nakaw nabubusog
sumasahod nang tulog
syang sugapa sa bilog.

09.16.11_Diona

Kapuspalad

Mata lamang ang busog
palubog nang palubog
sumasahod ng hamog.

09.16.11_Diona

14 September 2011

Kurap

Silang tinitingala
kunwa'y may ginagawa
daig pa'ng salaula.

09.14.11_Diona

Tulisan

Akala ko'y sandigan
iniluklok ng bayan
isa palang gahaman.

09.14.11_Diona

Talamak

Mandaya laging balak
sa kanila'y marapat
isukang parang alak.

09.14.11_Diona

Mandarambong


Nakakurbatang hambog,
sa pandarambong bantog,
tulad sa batang hamog.

09.14.11_Diona

13 September 2011

Kakutsaba

Kakutsaba ng amo
sa bayang ginagantso,
matatalinong bobo.

09.13.11_Diona

12 September 2011

Sinturon


Kay Rizal napatingin
kahit ano pang gawin
manggagawa ay bitin.

09.12.11_Diona

Timawa

Buwayang mag asawa
nilapa ang agila,
saksakan ng timawa.

09.12.11_Diona

Buraot

Kamay puno ng surot,
sa kurbata binalot,
matalinong buraot.

09.12.11_Diona

Sangkariton


Bawat pondong nawala
o lider na nagwala
'sang kariton ang likha.

09.12.11_Diona

11 September 2011

Monopolya

Huwag nang damdamin,
magdilim ang paningin,
sa kuryenteng bayarin.

09.12.11_Diona

Hostes

Gabi-gabi'y dilat
araw-araw puyat
para sa mga anak.

09.11.11_Diona


Inspirasyon

Kapangyariha'y ikaw
ikaw ang bawat galaw
pag-ibig gabi't araw.

09.11.11_Diona

10 September 2011

Switik

Madalas na pumitik
laging pa petik-petik
ganyan ang mga switik

09.10.11_Diona

Buwis Nagkabagwis


Buwig-buwig na pawis
pawi-pawisang buwis
nagkaroon ng bagwis.

09.10.11_Diona

Gatasan

Kalabaw ang kawangis
dugo ang aking pawis
sinipsip lang ng langis.

09.10.11_Diona

Sa Puso

Baya'y di mabibigo
kung bayani sa puso
hindi lamang sa nguso.

09.10.11_Diona

09 September 2011

Una Sa Lahat

Dios dapat ang mauna,
kapwa ay pangalawa
kung nais mo sumaya.

09.10.11_Diona

Kapuspalad

Sinong mas kapuspalad,
taong salat ang palad
o mayaman na hubad?



09.10.11_Diona

Buwaya

Sa tao siya'y nalulong,
alipin ng alulong
na sa kanya'y bumulong.

09.10.11_Diona

Multong Kawani

Kasama kong pumasok
wala sa bawat sulok,
sa trangkahan sumuksok.

09.10.11_Diona

Makiramdam sa Ulan

Pinitik ng tikatik
dumausdos sa putik,
sa nagpatumpik-tumpik.

09.09.11_Diona

Konsentrasyon

Tinatahi'ng buhangin,
tinutulay ang hangin,
kaya wag mong salingin.

09.09.11_Diona

Takaw Tingin

Madalas takaw tingin,
natutukso kang bilhin
kahit 'di kaylanganin.

09.09.11_Diona

Pagkakaunawaan

Bago ibuka'ng bibig,
dal'wang beses makinig
nang ikaw ay marinig.

09.09.11_Diona

Tatag na Inanay

Tatag ng republika,
inanay ng timawa
pinuno ng buwaya.
09.09.11

Guho

Nakatanghod sa tuktok,
tila naghihimutok,
sa patag bumulusok.

09.09.11