10 October 2009

Bahang Ondoy


Bahang Ondoy

Sinong mortal ang makasasaway,
kaninong dunong ang makatataboy
sa nagngingitngit na bahang Ondoy?

Paano aawatin ang daluyong,
kung bawiin nito ang likas niyang daluyang
tinirhan ng madlang hindi nagpaalam?

Nalunod na nga ba'ng utak nitong ilang tuko?


© 2009 ni Franco Coralde Sangreo
(092609)

04 October 2009

Mga Bisig ng Panahon




Mga Bisig ng Panahon

Ang mga bisig ng panahon
kailanma’y ‘di lilingon sa kahapon.
Wala itong pakialam kung ikaw ay maiwanan,
kung malungkot o masaya ang iyong nakaraan.

Walang kapaguran, tuloy-tuloy ang daloy,
at kung hindi ka sasabay sa indayog,
magiging agiw na lamang ang mga nahabing balak
at magiging bato ang mga gintong iyong hawak.

Hangga’t umiinog pa ang mundo,
may pagkakataong makaguhit ng plano.
Ngunit kung hindi babangon sa anino ng kahapon,
paanong makahahakbang sa ngayon?

Samantalahing may lakas
upang maabot ang bukas na maaliwalas,
dahil habang tumatagal, dumudupok ang mga buto
sa paglipas ng bawat segundo.

© 2002 ni Franco Coralde Sangreo
(090502)

Bus



Bus

Popopop papapap,
singhal nitong ’sang bus
nagaapura’t tila naghahanap ng kasilyas.

Hindi mapigilan ang ilan sa kasikatan,
hari sa malaki o maliit mang lansangan,
laman palagi nitong mga pahayagan

na kumikitil sa mga tagatawid ng kanilang gutom.

© 2009 ni Franco Coralde Sangreo
(091609)